Ang pag-aaral ay habambuhay. Kaya tayo may utak ay upang magamit natin ito sa pag-iisip.
Ang sangkatauhan ay nagkaroon ng pagbabago sa buhay dahil may mga taong nag-aral at inialay nila ang kanilang kaalaman para matulungan ang iba, para maituro kung ano ang mas mabilis na paggawa, at marami pang iba. Kung kaya't kahit sa paanong paraan maaaring makamit natin ang kaalaman na kailangan natin. Likas sa Pilipino at Pilipina ang mag-isip, makiramdam, makisalamuha at makialam.
Sa panahon ngayon ng Covid 19, pag tumigil tayo sa pag-aaral, parang sinabi natin kay Corona Virus, o sige panalo ka na. Magre-recluse, mag-eermitanyo na lang kami.
Mahirap yatang gawin yun kasi maraming utang ang bansa at kung walang mga bagong magtatapos sa mga paaralan wala tayong magiging manggagawa at empleyado. Hindi aandar ang ekonomiya. Mawawalan tayo ng pambayad sa mga pinagkakautangan. Maiiwanan tayo ng mga ibang bansa na patuloy ang pag-unlad ng kanilang siyensiya, ekonomiya, pulitika, kultura at marami pang iba.
Kung kaya't mahalagang tayo ay humanap ng maraming paraan upang ipaabot sa mga mag-aaral ang mga kinakailangan nilang matutunan sa mundong ito.
Narinig ko ngayong hapon ang pagsasalita ng Dr. Diosdado San Antonio, Undersecretary ng Curriculum and Instruction ng Department of Education sa DOH Presser at napakalinaw niyang magsalita. Tunay na siya ay isang guro. Sa loob ng maikling panahon naiparating niya ang iba't ibang paraan na maaaring maipagpatuloy ang pagtuturo ng kabataan kahit na dumaranas tayo ng pagatake ng Covid 19. At mahalaga ang huling sinabi niya. Kailangan ng Dep Ed ng ayuda mula sa iba't ibang ahensiya ng gubyerno.
Matagal na panahon na ang pagmimithi ng mga magulang na makapagtapos ng pag-aaral ang kanilang mga anak. Panahon nina Rizal at Bonifacio, mahigpit ang kapit nila sa pangangailangang makapag-aral ang lahat. Kaya sila ay nakapagsulat ng mahahalagang ideya upang matamo natin ang kalayaan mula sa mga mananakop. Ang mga babaeng taga-Malolos ay sumulat din sa gobernador upang maturuan sila ng Espanyol, na nagpapakita ng kagustuhan nilang makipagtalastasan sa mga namumunong mananakop noon, at maintindihan din ang mga aklat mula sa Espanya na marahil noon ay naglalaman ng mga demokratikong kaisipan na taliwas sa utak ng mga Kastilang naririto noon.
Panahon ng Amerikano, itinuon ng mga bagong mananakop ang pagpapaaral sa mga bata. Alam ng mga Amerikano kasi na ang isang malaking hinaing ng mga nag-alsa noon ay ang kawalan ng edukasyon, liban sa pag-aaral ng katesismo at ng relihiyon. Mga mayayaman lamang, mga ilustrado ang nakaaabot hanggang kolehiyo at kahit na hanggang Europa (bagaman karamihan ay mga lalaki) tulad nina Rizal, Luna, Marcelo H. del Pilar, Mariano Ponce, Graciano Lopez-Jaena, atbp. .
Noong 1900's, isang barko ng Thomasites na mga gurong babae at lalaki ang dumating dito upang turuan ang ating mga ninuno. Kaya natuto sila ng Ingles, magbilang, at marami pang iba. May mga pangyayari noon pa na ang mga sundalong Amerikano ay nanghuhuli ng mga batang ayaw pumasok at dinadala sila sa eskuwelahan.
Bagaman tatawaging kolonyal ang edukasyon na yuon, na ginamit at tumulong para patahimikin ang pag-aalsa laban sa mga bagong mananakop, nagkaroon tayo ng mga nagsipagtapos ng medisina, abogasya, pharmaceutica, edukasyon, at marami pang ibang kurso. Ang mga nakatapos ay siyang naging haligi ng ating lipunan upang makasulong ito at maipagpatuloy ang ating buhay kahit nawala na ang mga mananakop.
Samakatuwid, mahalaga ang edukasyon sapagka't ito ay pagtatanim ng binhi para sa kinabukasan.
Ang isang paraan na nabanggit ni Dr. San Antonio ay ang homeschooling. May isa akong kaibigan; ang kanyang anak ay hindi tumuntong sa eskuwela. Tinulungan niya ito sa homeschooling kung saan nag-aaral sila ng anak niya batay sa mga leksyon na binibigay ng eskuwelahan. Hindi na kailangang pumasok pa ang bata. Ngayon ay nasa kolehiyo na siya dahil nakapasa siya sa entrance exam. Isang malaking medalya ang dapat matanggap ng ina dahil siya ang naging guro ng kanyang anak sa pag-aaral mula elementarya hanggang matapos ng high school.
Ngayon, sa mga gagamiting paraan para maiparating ang edukasyon sa ating mga mahihirap na kababayan, hingan ng gubyerno ang mga radyo at telebisyon ng oras kung saan ang mga tao sa probinsiya ay makakarinig at makapapanood ng mga mahahalagang kaalaman. Siguro mababawasan ang mga advertisement nila tulad ng "ay...nawawala ang freshness...:" na paulit-ulit na binabanggit hanggang sa mabingi na tayo sa malabnaw na mensahe nito.
Paanong gagamitin ang dalawang media na ito? Noong 70's isang Jesuit na pari ang nagtayo ng educational TV sa Pilipinas na nagbi-beam ng mga aralin para sa classroom teaching. Nakakabit sa leksyon ng mga bata sa loob ng classroom ang mga tinuturo sa TV. Sa Latin America maraming kaparehong paraan sa pagtuturo.
Ang telenovela ay ginamit ng dekada 70 rin sa Latin Ameria upang ikalat ang mga mensaheng pangkalusugan at family planning literacy din. * Samakatwid, marami ng karanasan sa buong mundo kung paanong maaabot ang mga kabataang nag-aaral sa mga liblib na lugar at mga pag-aaral ng mga kaalaman na may katuturan at kahalagahan sa pamumuhay.
Isa pang paraan na idadagdag ko rin ay ang paggamit ng mga helikopter ng militar upang ipamahagi ang mga pulyeto na naglalaman ng mga maiikling pag-aaral para sa mga bata tulad ng: mensahe tungkol sa mga mahahalagang araw na dumarating tulad ng Marso a-8, araw at Buwan ng Kababaihan, Araw ng Kagitingan, Araw ng Kalayaan, Kaarawan ni Rizal, Gregoria de Jesus, Bonifacio, Tandang Sora, Teresa Magbanua at iba pang mga bayani, Pandaigdigang Araw ng Kalusugan World Health Day, Pandaigdigang Araw para sa Kapaligiran Hunyo a-5, World Environment Day, Pandaigdigang Araw para sa Pagbasa't Sulat Setyembre 8, World Literacy Day, Pandaigdigang Araw para sa Karagatan, Hunyo a-8, World Oceans Day, Pandaigdigang Araw Para Alisin ang Pagtatangi-tangi sa Lipunan, Marso 21, (International Day for the Elimination of Racial Discrimiation), Pandaigdigang Araw para sa Kapayapaan at Kaunlaran, Noby. 10 (World Science Day for Peace and Development) at marami pang iba.
Maaari ring magkalat ng mga puzzles upang maengganyo ang kabataan na matutong maglutas ng mga problema, na isang hakbang para harapin din ang mga exam sa eskuwela. Dito ay matututo sila ng lohika, math, mga salita, paanong makipagtalastasan, atbp.
Sa ganitong paraan ng pagkakalat ng mga kaalaman, madarama ng ating mga kababayan sa lalawigan na sila ay kasama ng lahat sa pagmumulat tungkol sa maraming bagay dito sa mundo.
*"One form of edutainment popular in Latin America is the educational telenovela. Miguel Sabido, a producer of telenovelas from the 1970s on, has combined communication theory with pro-health/education messages to educate audiences throughout Latin America about family planning, literacy, and other topics. He developed a model which incorporated the work of Albert Bandura and other theorists, as well as research to determine whether programs impacted audience behavior."https://en.wikipedia.org/wiki/Educational_television
No comments:
Post a Comment