Wednesday, May 6, 2020

ANO'NG DALA MO, COVID 19?



AKO’Y NAPAPAGOD NA


Anong salot itong gustung-gusto ang dugo ng tao
Bampira?
Galing sa paniki?
O gawa ng taong may masamang budhi?

Ihahakbang ko ang aking mga paa
Lalakad ng malayung-malayo
Mga bangin ay lulundagin
Mga ilog ay tatawirin
Mga ulap ay hahawiin
Ako, ako, ay malaya.

Hoy, magsuot ka ng facial mask!

Oo nga, ano? Hahaha! Pero…
Ako'y napapagod na
Sa kahihintay.
Kelan magiging malayang makakilos?
Ilan ang buhay at
patay ngayong araw?
Ilan ang gumaling?
Ilan ang namatay?
Worldometer, andar, andar
Sa Europa, sa Alemanya, sa Pransiya, sa Ingglaterra, sa Italya, sa New Zealand, sa Amerika?
Kay haba ng listahan,
Parang walang katapusan.

Araw-araw, tuwing umaga
Parang ang pluma ko'y
nangangating makasulat
Nekrofilia, nekrofilia

Bakit may namamatay agad?
Bakit walang lunas?

Bakit may natatagpuang
walang buhay?

Ilang healthworkers ang namatay?
Sino ang sasalo 
kung maubos na silang lahat?

Gabi na naman.
Pasalit-salit lang.
Umaga, gabi, araw, dilim
Sa kama kay hirap matulog,  
Di ako mapakali

Maingay sa labas, mga lalaking nag-iinuman,
Nagdiriwang kayo ng huling
kaarawan?
Ako, may susunod pa ba akong kaarawan?
Covid 19, dulot ay takot, pangamba, 
pag-aalinlangan sa hinaharap
  
Pagud na pagod na ako
Kapwa manunulat, pagod na ako
Kailangan ko nang magpahinga

Pero ayaw akong dalawin ng antok
May bumabagabag sa akin
Ano yun?
Nanaginip ako
Napili raw ako, mag-emcee
sa kasalan
Pero umayaw daw ako
Ang nobyo natutulog sa
aking kama, hinihintay ako
Suot ay itim na pantalon at
Amerikana
Ayaw daw pumayag sa kasal
Ako raw, ako raw ang nais niya
Pinasasakitan lamang ako
Kung ako raw ay hahabol

Hahabulin ang altar?
Hahaha!
Kasal? Sino ang magpapakasal sa 
panahong ito ngayon?
Ilang araw pa o dekada na lang 
ang itatagal ninuman?

Anong pagmamahal ang tatagal 
ng iilang taon na lamang?
Covid 19: parating may banta ng pagputol ng hininga
A, kalayaan, kalayaan ko sa pagsusulat,
Kalayaan ko kung saan ko gustong pumunta
Kalayaan ko kung sino ang kakausapin,

Hanggang kailan magiging malaya? 
Sa loob ng tahanan?
Anong kahulugan ng kalayaan?

Paikut-ikot sa tahanan
Timpla ng gatas
Timpla ng kape
Kumain, maghugas ng pinggan,
Maligo, magbihis
Makinig ng radio

Simpleng buhay
Hindi mabigat isipin
Pero ang balita
Mabigat sa dibdib
Mabigat sa isipan
Ako ba, ako ba ang susunod
Hanggang kailan ako rito
Sa lunggang ito?
Sa maliit na bintana
Tanaw ko ang kapirasong lungsod,
Puro bubong
Aba, pula pala ang tuktok ng simbahan
Aba, asul pala ang langit
Aba, kay ganda ng takipsilim
Iba’t-ibang kulay: pula, asul, dilaw.
Aha, may puno palang may mga bulaklak na pula

Dumidilim na, iba't ibang kulay nakalatag sa langit – asul, berde, kuilay kahel, dilaw… Parang nagpipinta rin ang mga anghel, binibihisan ang langit upang magbigay pag-asa sa mga walang magawa kundi ang tumanaw sa bintana


Aba may kulay usok na ulap;
Polusyon ba ang dala; pero ngayon,
Umuulan, tikatik ng ulan,
palakas na ng palakas sa bubong,
Ah, ulap, hindi pala polusyon ang dala
Nililinis ang hangin; kay bango ng ihip ng hangin

Pero, kaylan ako lalabas
Kaylan ako makalalaya
Kaylan ako hindi na aasa sa ibang maghahatid ng kakainin?
Kailan magiging tunay na ligtas na ang lahat?
Walang banta na ng kamatayan?
Kailan?

Bagong Balita: Mayo a-6, 2020
Mga namatay na OFW: 17
Sa Dubai, Abu Dhabi
DOH TRACKER:
Mga Kaso sa Bansa: 10,004
Recoveries- 1506
Deaths - 658


No comments: