Sa gulang na 79, yumao si Roger Mangahas, Makata.
Napakagaling ni Roger magturo kung paanong magsusulat ng tula. Maraming beses akong nagtatanong sa kanya kung tama ba ang aking mga sinusulat -- ang liriko ng aking mga komposisyon, at mga tula na dinulog ko sa Ani Journal na edited ni Hermie Beltran ng CCP noon. .
Parati, sa kanyang pakikipag-usap sa akin, hindi ko nabahiran man lamang siya ng pangungutya o pagmamaliit sa aking mga sinulat. Mapagkalinga siya mula simula hanggang sa dulo ng aking tula na nagpapakita. Matiyaga niyang pinakikinggan kung paano kong sinusulat ang mga ito.
Yung huling tula na aking sinulat, Pahirin Mo ang Luha mo, Aking Bayan, Hunyo a-19m 2018, nais ko sana siyang konsultahin nguni't wala na silang landline ni Fe. Kung kaya't nailabas ko ang tula sa aking payak pagkakasulat.
Ang Ina ko, si Esperanza Acuna Sioson ay mahilig tumula ng Ultimo Adios ni Rizal noong kami'y bata pa sa hapag ng kainan. Ang aking kapatid na si Eduardo S. Orozco naman ay isang Palanca Award Winner for Poetry noong 1977. Nguni't sa tanang buhay ko, hindi ako nangarap ng maging makata.
Kung kaya't ako'y nagpapasalamat ng malaki kina Fe at kay Roger llalo na dahil sa matiyagang pagtulong sa pagpapaganda ng aking mga tula ng nakaraan.
Fe, para matigil na ang pamumugto ng iyong mga mata, at kay Roger, narito ang alay ko sa iyo na sa pagbigkas ko ay parati na kitang maaalala:
Tuesday, June 19, 2018
PAHIRIN MO ANG LUHA MO, AKING BAYAN
PAHIRIN MO ANG LUHA MO, AKING BAYAN
Pahirin mo, aking Bayan: walang pag-aalinlangan mong pahirin ang luha mo
dahil sa naunsyaming kapalaran ng lupain mong kawawa:
Ang bandilang sagisag ng kalayaan ngayo'y napalalabo ng maling pananaw
pati iba't ibang wika nagagamit para apihin
ang dati nang inaaping kabataan at kababaihan.
Pahirin mo ang luha mo, habang ang mga mata namin ay pinipiringan sa
tunay na kahulugan ng kapangyarihan at katarungan
Nauulit ang mga larawan ni Huli,
na aliping bayad-utang,
ang larawan ni Sisa,
nawalan ng mga anak
pinahirapan matapos na mapagsamantalahan ang kanyang kamangmangan
at namatay na walang lakas magtanggol
Pahirin ang luha kung sa puso mo ay nais magpumiglas ang mga mithiin,
kung ang araw sa langit mo ay nais hawiin ang kulimlim,
kung ang alon sa dagat ay hindi na matahimik sa pagdaluyong,
kung ang bulkan sa dibdib mo ay parati nang umuungol
kung ang mga bituin ay nais na kuminang at
mabigyan ng tunay na kahulugan ang lakas ng sambayanan,
Pahirin at pahirin ang luha mo upang ang kapaligiran ay muling magningning
at ang lahat ay magbubunyi sa pagpapatingkad ng ating
mga kalayaang nararapat lang na mamukadkad sa lahat ng sulok
ng ating kapuluan.
With deep apologies to AMADO V. HERNANDEZ for using his poem, Kung Tuyo Na Ang Luha Mo, Aking Bayan"
No comments:
Post a Comment