Tuesday, February 17, 2015

I-TEXT MO
Kuwento ni Emma S. Orozco



Alam niya nagalit si John sa kanya kaya hindi ito nagte-text man lamang sa kanya. Nagalit ito dahil hindi niya sinabi ang pangalan ng gustong bumili ng lupa sa kanya. Sa isip-isip niya, bakit naman niya sasabihin? Kaanu-ano ba naman niya siya e ang links lang naman nila ay dahil magkaibigan sila?

Napakamasalimuot talaga ang buhay ni Erlinda sa ngayon. Para siyang parating nakatuntong sa balag ng alanganin. Mayroong parang nagiging yelo na siya sa takot kumilos, o kaya ay parang nakasimento na ang mga paa niya sa daan tuwina siyang maglalakad, o kaya ay para talagang napakabigat ng mga paa niya sa paghakbang.

Hindi niya malaman kung bakit ganito samantalang kumikilos pa rin naman siya at sa bawa’t pagkilos niya ay alam niyang ito ang hakbang patungo sa isang malaya, higit na makilos na pamumuhay.

Paano ang gagawin niya sa ngayon? Ah, naisip niya si Mario. Tatawagan niya si Mario. Maraming alam ito tungkol sa mga telecommunications. Kaya nitong ma track down kung sino ang nakatrack down ng kanyang numero at nakakuha ng impormasyon kung sino ang kanyang buyer.

E ano naman kung malaman na niya na na-hack ang kanyang telepono, na may nakikinig at naipasa ang impormasyon kung sino ang kanyang buyer? E ano kung malaman niya kung sino ang nang-umit ng impormasyon na yun at nakasulot ng kanyang deal? E ano kung nasulot ang kanyang deal?

Yan ang kaibhan nila ni John kasi ang taong ito, todo pasa. Tapos na ang deal na yun. Huwag mo nang balikan, ang sabi siguro nito. Kasi hindi na nagtetext back. Ganun nga si John. Kapag tapos na ang isang deal, go on to the next. Para bang pagka tapos na ang isang relasyon, go on to the next. Ayun? Talaga bang ganun ang buhay? Parang nagpapalit ka lang ng damit? Aba, mali yata yun. 

Yan ang kinagagalit ni Erlinda. Maraming tao sa Pilipinas ang nagsasabi, tama na yan. Matatapos din yan sa 2010. Let’s go on with our lives. Diyos na ang bahala sa mga nangungurakot, sa mga nagnanakaw ng puwesto sa gubyerno. Diyos na ang magpaparusa sa kanila. Ganun? Ganun na lang ba yun?

Alam ni Erlinda na yun talaga ang pilosopiya ni John at para sa kanya, anathema ito. A-N-A-T-H-E-M-A. As in hindi puwede.  Kung ang negosyo ko hindi na safe sa mga pakikialam, sa mga pagnanakaw ng impormasyon, paano pa ang kanyang boto? Ano pa ang halaga ng buhay? Para ano pang mabuhay?

Oo nga? Parati na lang pakikibaka? Walang katapusan? Nakakapagod na. Breathe in and out. Inhale, exhale. Yan ang ginagawa ni Erlinda tuwing parang na te-tense siya sa pag-iisip o kaya ay may mga nakakasalamuha siyang mga tao na di mawawaan ang pulitika.

Simula nuong napalayas si Erap hanggang ngayon, walang puknat ang pagsusulat ko, kahit na wala na akong diyaryong masulatan man lamang ng tuluy-tuloy, ang nawika ni Erlinda sa sarili. Pagud na pagod na siya. Kailan ba ito matatapos?

Pero kailangan niyang harapin si John. Makikipag break na siya sa taong ito sa ngayon. Papayag na rin ito kasi alam niya na talagang opposite, taliwas ang pananaw nito sa buhay kesa sa kanya. Teka, baka si John ang nagpa-track down ng kanyang conversations sa telepono at nang-umit ng impormasyon. Oo nga.

Nagtataka si Erlinda kasi unti-unting nawala ang lahat ng mga ahente na kinakausap niya – si Panda, si Candy, si Morlin, at si Lem. Text siya ng text sa mga ito upang sabihin na naririto na ang buyer. Sa simula, enthusiastic sila. Ilang bahay ang tinext sa kanya. At pagkatapos ay bigla na lang nangawala. Nawala lahat na parang bula. Ni hindi nagsabi na heto na, o wala akong makitang mai ooffer natin. O kaya ay saka na lang. Sa halip ay biglang na lang tumatahimik ang kanyang cellfone. Tahimik na nakakabingi ang kawalan ng marinig man lamang.

Hay, naku, ang nawika ni Erlinda. Masalimuot talaga ang mga pangyayari. 

Pero gugustuhin pa rin niyang malaman ang katotohanan. Tatawagan niya si Mario, at ipapatrack down niya. Kailangan niyang malaman ang katotohanan dito. Kasi parang naipangako na niya sa sarili niya na kaya niyang mabuhay dito sa Pilipinas ng maalwan, at hindi niya kailangang mangibang-bansa. Sa real estate ang kanyang ikabubuhay.

Kaya lang ay parati siyang hinihila sa pulitika. Hila-hila, tulak din siya ng tulak upang kumilos ang mga tao. Tapos siya ng edukasyon pero hindi siya nagtuturo. May mga taong hinaharang ang bawa’t aplikasyon niya sa lahat ng mga eskuwelahan. 

Ang huling pagtuturo niya ay sa Dos Santos University. Pilosopiya. Mabigat pero nagawa niyang magkaron ng interes and mga estudyante kina Plato, Locke, Marx, at sa mga feministang philosophers tulad ni Simone de Beauvoir. 

Pinagawa niya ng exhibit ang mga bata na dinespley sa eskuwelahan. Napanood ito ng buong eskuwela. 

Marami siyang naging estudyante at naituro niya ang pilosopiya – pati na ang third world feminismo. Kasi sa mga mahihirap na bansa na kung tawagin ay third world (kasi ang mga ito ang nag-eexport ng hilaw na materyales para gawing finished products sa ibang bansang maunlad) iba ang kalagayan ng kababaihan. Kasing api sila ng mga lalaki. Sa kanluran o maalwan na bansa, kadalasan ang binibigkas ng mga feminista, lalaki ang dahilan ng kanilang kaapihan.

Sa kanya, yun ang panahon na ang taas ng kanyang naging suweldo; nabayaran niya ang kanyang unit sa kondominyum, at naibuhos niya ang lahat ng nalalaman niya sa pulitika upang magising ang mga tao sa pagkakatusok ng morphine na nagpa-amnesia sa kanila.

Pero minsan, sa faculty lounge, wala siyang makitang upuan. Naupo siya sa silya ng chairman. May natsu-chua at sinabi ito sa chairman na kinagalit naman nito. BAKIT MAY NAUPO SA SILYA KO? Ganun? Ang silya ang nagde-define ng kanyang pagkatao?

Dahil doon, nawalan ng load si Erlinda. Balik na siya sa pagsusulat muli. 

Oo, ang pagbagsak ni Erap ng biglaan at parang walang pag-aalsang nagawa ang mga tao, kundi yung ginawa lamang ng kanyang mga tauhang natulungan sa komunidad ay isang uri ng pagsa-shabu, pagkawala ng katinuan o pagkawala ng urirat na parang nainiksiyunan ng morphine. Bakit?

Nahirati ang mga tao sa pag-iisip na de-kahon. “Ako ay negosyante. Ayokong haluan ng pulitika ang aking negosyo.” Yung isa naman sasabihin “Ako ay nasa gubyerno. Ginagawa ko ang dapat kong gawin. Tama lang na suwelduhan ako. Ngayon kung sa taas may mga nangyayaring kaguluhan, nakawan sa puwesto, bahala na ang Diyos sa kanila. Wala akong paki. Basta ginagawa ko ang trabaho ko.”

Madalas marinig ni Erlinda ang mga dahilan na yan para hindi na pumasok sa magulong mundo ng pulitika ang mga tao. Middle-of-the-roader wika nga. Walang paki sa mga nangyayari sa kaliwa’t kanan. Basta siya ay kikilos ng diretso sa buhay niya -- kikita sa araw-araw, kung maliit, aba palalakihin. No politics for me. Hah! Never! 

Tiningnan ni Erlinda ang celfone niya kung sumagot na si Mario. Magkikita na sila. Aalukin niya si Mario ng kape, at kung ayaw pumayag sa kanyang hinihinging impormasyon, aalukin na niya ng pera. Ayaw naman niyang ialok ang sarili niya. Ano, bale? Sobra nang kaputahan yan.

Diyan na rin naiinis si Erlinda sa buhay na ito. Kasi parating celfone na lang ang nagiging link niya sa mga tao. Ni hindi na niya makausap, o marinig ang tinig. Mahal kasi kung direct calls.

Nakakatawa. Magdi-deal siya ng milyones pagkatapos ni hindi siya maka direct calls. Duon na sila nag-aaway na palihim ni John. Kasi parang nanghihinayang siya sa direct call niya nuong tawagan niya ito tungkol sa deal, kung mayroon siyang mai-ooffer na mga bahay at lupa na may swimming pool. “Bakit ka manghihinayang sa tawag mo? Ang tinuro ko sa iyo ay hindi mo matatawaran.” Nagpasalamat naman siya kay John pero nagtataka siya kung bakit ganun ang naging sagot nito.

Kasi sanay sa buhay na maalwan talaga si John. Hindi sanay sa hirap. Sa katunayan, ang asawa nito ay nasa Amerika para magtrabaho. Hindi maiwanan ang buhay na dolyares. Oo nga naman, masarap sumuweldo ng dolyar. Tayms 48 kaagad ang bawat isang dolyar.

Pero mahalagang makuha niya ang impormasyon na yun. Kasi ang editor niya mahilig din sa sleuthing articles. Oo, kailangan niyang makuha yun. Para sa sarili niya at para sa editor niya. Yun ang magpapakita ng kahungkagan ng free enterprise sa Pilipinas. Walang free enterprise. Wala kundi dayaan, sa lahat ng paraan, kesyo sa pulitika o sa negosyo.

Pero paano niyang isusulat yun? Paanong tatanggapin ng editor niya ang artikulong yun kung hard-hitting? Ah, marunong maglaro sa establishment ang kanyang editor. Pasundut-sundot dito, pahimas-himas duon. Basta walang mga malalaking pangalang lalabas, okay lang yun.

Napapikit na lamang si Erlinda sa mga senaryong naglalaro sa kanyang isipan. Natuto siya tuloy mag-mediteyt- Breathe in and out. Nakapikit, at walang iniisip. 

Erlinda, in and out. Sampu, hanggang tatlumpung minuto. Wala kang iisipin kundi ang hangin na dumaraan sa ilong mo. Papasok sa baga at pagkatapos ay lalabas. Paulit-ulit. 

Bakit ba siya naipanganak pa sa Pilipinas? Bakit hindi sa ibang bansa, tulad ng Caribbean Islands? Ang sarap siguro duon, nakaharap lang siya parati sa dagat at walang ginagawa kundi uminom ng buko at lumangoy sa dagat. E ano kung mangitim siya? E ano kung manguluntoy ang balat niya sa araw? Ano ba ang buhay, di ba natatapos din? Hindi ba masarap matapos ang hininga sa may baybayin habang papalubog ang araw. Sa halip na isang hungkag na buhay na puro text lamang, haharap na lamang siya sa papalubog na araw at hihinga ng malalim. 


Tumunog ang celfone ni Erlinda muli. At tiningnan niya kung kanino galing. Galing kay Mario o kay John? Pumikit siya at nag-mediteyt na lang. Hinga ng malalim, papasok, palabas. Hinga ng malalim. Papasok, palabas. Pap....

Bago mag 2010 elections, sinulat ito ni Emma S. Orozco na nangarap ng isang tunay na malayang bansa. 

No comments: