Thursday, April 4, 2019

BAKIT GUGULUHIN ANG UMIIRAL NA KALAKARAN?



Bakit tayo umuuwi sa ating mga lalawigan? Dahil nais natin ng isang matiwasay na pamumuhay at maiwan lahat ng kagi-kagi sa Kamaynilaan. Nais nating makasamyo ng preskong hangin, maenjoy ang mga kalikasan. makatanaw ng mga luntiang bundok at pilapil, sana nga lang ay hindi yung mga may sabdibisyon.

Hanga ako sa mga Kababayan na mas gustong umuwi araw-araw sa mga lalawigan kesa sa maghanap ng espasyo dito sa MetroManila halos isang bangungot lalo na kapag rush hours. Alam nila ang gusto nila sa buhay at hinahabol nila.

Ngunit may mga galing ng probinsya na mga magbubukid at nagtatanim ng mga gulay sa Isabela, Cagayan, Nueva Vizcaya at mga bulubundukin ng Cordillera at Katimugang Katagalugan. Sila ang ating mga nagtitiyaga, nagsusunog ng kilay, nag-aalay ng mga sarili, ang mga Kababayan natin na pinapakain ang mga nagugutom sa MetroManila. At sila rin ang nagbibigay sa atin ng ating regular na suplay na mga gulat at iba pang kakainin.

Anong kababalaghan! Isang patakaran ng MetroManila Development Authority ang darating na nais “isara ang 46 terminals ng mga provincial buses at ibang public utility vehicles (PUVs) sa Edsa sa Hunyo, upang i-decongest, tanggalan ng traffic ang Kamaynilaan.

Hindi na mag-aaprub ng business permits  ipagbabawal ang pagi-isyu ng mga ito sa lahat ng terminals sa Edsa, bilang pagsunod daw sa direktiba ni Pres. Duterte.

Ang mga Terminal ay ililipat sa mga lungsod ng Paranaque, Sta. Rosa, at Valenzuela. Ang mga komyuter na galing sa capital ay kinakailangang lumipat sa mga MMLA PUVs. (Ref- Inq. March 28, 2019)

Ano ang mangyayari sa ating mga Kababayan na galing sa probinsiya? Sila ay bababa at aakyat ng Kamaynilaan. At pagkatapos isang grupo na naman ng mga behiculo ang papasok  ng Metromanila, na isang uri ng pagkilos na dagdag pahirap lamang. Yung mga may dalang bagahe na ibebenta ay mahihirapan dahil sa direktiba: doble, triple na isang uri ng pagpapahirap sa mga nahihirapan na nating mga kababayan.

Ilang taon na silang papunta at pabalik ng Kamaynilan, gamit ang kanilang maliit na kita para tumira sa probinsya? Subali’t ngayon, pinupwersa silang maglabas pa para lamang sa isang malabong solusyon sa trafik na magbabawal sa mga provincial buses.  

Ang ating kalusugan, ang ating buhay ay nasusustena ng mga pagkain na  hatid ng ating mga kababayan, ng ating mga kapatid na matiyagang nagtatanim, nag-aani para tayo ay mabigyan ng pagkain dito sa syudad. 

Dapat magpasalamat tayo sa kanila. Sa katunayan, nakatagpo ako ng isang magbubukid na nagbenta sa akin ng isang maliit na bote ng piniritong bawang sa halagang P120 sa Quezon City Hall.  Sa mga mall, napakamahal niyan. At kailangan ko ang bawang para lumakas ang aking katawan at makalaban ang mga sakit. Nakabili rin ako ng murang turmeric, kalahati ang presyo kesa sa mga sidewalk vendors na nagtitinda tuwing hapon sa paligid ng Quezon Memorial Circle.

Palagay ko, ang MMDA ay hindi naabisuhan ng mabuti sa mga binanggit na mga plano:
1.    Sinasaktan nila ang mga tao sa probinsiya pati na ang mga kababayan sa syudad na hindi nagkokotse at nakadepende sa mga hilaw na sangkap ng mga pagkaing galing sa probinsya;

2. Luluwagan daw nila ang mga syudad ng trafik pero yung mga taga probinsiya na nagko commute ay mapipilitang humanap ng matutulugan sa Kamaynilaan para lamang makatipid sa pamasahe;

3.    Ito ay magdudulot ng mga kaakibat na suliraning panlipunan.
a.    Ang mga pamilya ay sasabog at magkakahiwa-hiwalay sa halip na magsama-sama araw-araw. Paggawa ito ng isang stwasyong miniOWF, kung saan ang  mga pamilya ay watak-watak na. Ang mga problemang ganito ang nagtutulak sa mga taong gumamit ng droga upang malimutan ang lungkot ng hiwalay sa pamilya. (Si Pangulong D nga ay umuuwi linggu-linggo, sumasakay ng eroplano para makita ang pamilya niya sa Davao.)

b.    Kailangan din ng kaparehong bilang ng mga behikulo para maihatid sa Kamaynilaan ang mga pasaherong bumaba sa mga terminal na nabanggit sa taas. Kung gayon, nasaan ang paglutas ng trafik jan? (Ito ay batay sa interview ni Angelo Palmones sa isang opisyal ng bus consortium na maaapektuhan ng bagong direktiba.)


NGAYON, BAKIT GUGULUHIN ANG UMIIRAL NA KALAKARAN? 

Nais ko na pag-isipan natin ang transport hindi lamang sa punto ng paggalaw ng mga tao at kasangkapan. Ang Transport ay nangangailangan ng isang sosyolohikal na pananaw, isang mas malawak na pananaw ng tinitingnan ang buhay hindi lamang isang  walang humpay na pagkilos kundi ang pagbubuo ng mga magagandang relasyon sa pagtahak ng landas ng buhay.

Tayo ay nabubuhay sa isang lipunan, isang bansa na may mga taong may pareparehong pinagdaanang kasaysayan. Huwag nating sirain iyon at sa halip

Magbuo at maghubog tayo ng mga taong mapagkalinga, may damdamin sa mga tao (hindi robot)  na siyang magbubuo ng isang bukas na may kapantayan, maunlad at makatao para sa lahat at parating magpapahalaga ng ating magiting na kasaysayan.

WILHELMINA OROZCO

Google: botokomahalaga

Google: thirdforce-prg

No comments: