Saturday, December 15, 2018

BAKIT KAILANGAN ANG MAKATA?


Dahil ba namatay na si Roger Mangahas ay wala na tayong karapatang maging makata? Wala na ba tayong dapat marinig pang matulaing mga pananalita sa radio at TV?

Nakapanlulumo ang mga programa sa TV, ang mga dula dito at pati na sa radio. Wala akong marinig man lamang na mga pangungusap na hahagod sa aking pagiging romantiko, makabayan man o pag-ibig sa kapwa. Pasigaw, galit, mga suspetsa, mga hindi mo malaman kung ang mga tauhan ay hindi man lamang nakatuntong sa hayskul para magbasa ng mga nobela nina Rizal, mga tula nina Amado V. Hernandez at ang Florante at Laura ni Francisco Balagtas.

Nasaan ang Tagalog, ang Pilipino sa media? Nakarinig ako ng isang komedya raw na programa na puno ng katatawanan; pero sino ang pinagtatawanan? Ang babae at lahat ng kabastusan – toilet humor ay naroroon hanggang sa napilitan akong ilipat ang estasyon. Hindi na yata nirerepaso muna ng station manager ang iskrip ng mga sumusulat dito bago i-ere. Parang anything goes pero kung maririnig mo ang mga balita ay masinsin ang pagkaka-imbestiga. 

Hay naku mga kababayan, nakakaduling talaga ang kuwarta na binubuhos ngayon sa radio at tv dahil patapos na ang taon at ang mga kumpanya, na siyang bumubuhay sa commercial media ay nagsasara na ng kanilang accounting books at kailangan nang gastusin lahat ng badyet para sa susunod na taon.

Pero ano ba ang nais kong marinig sa ere?

Halimbawa, tungkol sa solusyon na gumagamot sa mata- kelangan ko bang marinig ang artista na kinilig ang ama niya nang sabihin ng optician na “I care for you, Sir” at siya naman ang magsasabi ng “I care for you Daddy.” Yikes ang babaw.

Ano naman ang dapat na sinabi ng optician, “Sir napakaganda ho ng mundo – makulay – dapat ay makita ito ng lahat parati hanggang sa huling hibla ng kanilang hininga. Kailangang malinaw ang paningin natin.”
O kaya yung advert tungkol sa household appliances – “lahat ng appliances ko ay ____, at sinasayawan ko lang.”

Napakababaw din di ba? Kung pabibilhin nyo ng appliances ang mga tao, itaas nyo rin ang kalidad ng kanilang pag-iisip, ang pagtingin sa mga household gadgets, sa pamamagitan ng pagbanggit nito: “Mga kababayan sa gitna ng bigat ng pasanin sa buhay, sa gitna ng mga sari-saring unos na dumarating sa buhay natin, nararapat lang na pagaanin ang gawaing bahay. 

At kapag magaan ang gawaing bahay, may panahon tayo para makasulat ng tula, ng nobela, ng mga sanaysay na tumatalakay sa mga isyu ng buhay sa isang lupain na umaasam ng matayog na kaunlaran.” Hindi ba mas masarap at magandang pakinggan yan? Ok, sabihin na niyang “nerdy” yan pero kalian pa ituturing ng advertising world na ang mga Pilipino ay may isipan na kailang linangin, kandiliin para makaisip ng mabuti sa kapwa?

Tingnan ninyo ang nangyari sa kakahikayat nyong uminom ng “gin, gin, gin” etsera, umiinom ang mga kalalakihan ng murang lambanog para malasing at natigok tuloy.

Meron akong nakausap na tatlong mga makata noong nasa UP college pa ako, dekada otsenta. Gumagawa sila ng advert para sa beer. At pinaiinom daw sila ng beer sa ofis para malaman nila ang nararamdaman ng mga manginginom at makaisip sila ng copy o mga talata para gagamitin sa jingle, sa tv o radio advertisement. 

Mga makata, naging jingle writers? Mga nag-aral ng mga tula nina Shakespeare, Wordsworth, Emily Dickinson, at Robert Frost, naging manunulat ng advert? Wow. Gulat na gulat talaga ako sa pagikot ng mundo nila. 

Pero yun ang dahilan din sa mataas na lifestyles nila, sa tingin ko.  


Sino ba ang namamahala ng mga adverts? Ang Philippine Association of National Advertisers – self-regulation daw pero ewan kung anong klaseng regulasyon. Parang buddy-buddy  silang lahat. Ayaw sabihan, ayaw mapagsabihan, ayaw magsuri kung ano ang mga pinasasabog nila sa ere.

Kaya heto tayo ngayon…. Kayo na ang magpuno ng mga dots, mga Kababayan.   

No comments: