Friday, December 30, 2011

PAGLILIRIP SA PAGDARAAN NG PANAHON

ni Wilhelmina S. Orozco



Bakit maninimdim sa pagpapalit ng taon
Ano't nawawala ang makinang na kinabukasang
Natatanaw tuwing magbibihis ng kalendaryo

Saan napupunta ang pag-asa na ang darating
na mga araw ay mapupuno ng saya, ligaya, kasaganaan
at kapayapaan?

Mahirap bang asamin ang mga ito? Kaya ba nating
maabot ang bawa't mithiin, lalo't higit
magkasama-sama ang magkakapamilya, sa halip na
binubuwag ng distancia at lumilipas panahon?

Ano ang papel ng bayan sa panahon ng pagtanda
ng daigdig?

Ano ang papel ng bawa't nilalang sa pag-ikot ng
mundo?

Ay, mga hiling na kay hirap marating.

Anumang pagpapagod, anumang pagbabasa at paghihimaymay
ng bawa't kaisipan, hindi nabubuksan ang
pintuan ng paglahok, bintana ng pagkakataon
upang maging ganap na mamamayan.

Saan tayo susuling? Kaliwa? Kanan? Gitna?

Dumarating na ang pagtatasa ng mga hibang na
nakinabang sa mga nakaraang panahon.

Dumarating na ang panahon ng pagtitimbang
kung tama ba ang ating nagampanang papel sa
nakaraan -- kung saan binulag tayo ng mga
naghari-harian, nagreyna-reynahan.

Oo, tayo ay mulat na, handa nang humarap
kung anumang unos na darating.

Handa na tayo upang usigin ang dapat usigin.

Isang dekada, dalawang dekada. Mga paglalambong
ng katotohanan. Pagtatakip upang hindi makita ang
pagpupuslit, pagkakamkam, pagsasabotahe ng ating
mga kabang yaman ng bayan, pagyurak ng
ating mga karapatan, pagyurak ng ating karangalan.

Tama na. Tama na. Tapusin na ang pagbabaliktad ng
ating mga pinahahalagahan. Tapusin na ang pagsira
ng pagiging Pilipino at Pilipina. Ibigay na ang
wasto at tapat na larawan at dalisay na budhi ng
ating lahi.

Mabuhay kayong mga nagsusumigasig upang mabuhay ng
marangal. Mabuhay ang mga nagpupursiging ibangon
ang kanilang kabuhayan. Mabuhay ang lahat ng mga
nagpapagod maisakatuparan lamang ang kanilang mga
pangarap.

Mabuhay tayong lahat! Manigong Bagong Taon mga Kababayan!

Manigong Bagong Taon, mga Kadaigdig!

No comments: