Tuesday, September 1, 2020

KAHALAGAHAN NG PAGKATAO NG LAHAT NG LAHI, ANUMANG KULAY NG BALAT

Africa before Transatlantic Enslavement - Black History Month 2020 


Lumalaki sa kabundukan

Gumagala sa kaparangan

Anong galak ang kabataan

Sa Afrika. Mga magulang, habol ang panatag at mapayapang pamumuhay hanggang isang araw

Dumating ang mga mangangalakal, hindi ng mga prutas at bigas kundi ng tao. Oo, habol nila ay mga bata,

dadalhin sa malalayong lugar

duon magtatrabaho at aalipinin mula pagsikat ng araw hanggang hatinggabi. 


Anong kasaysayan ng aming lahi. Pinagsakluban ng kawalan ng awa ng langit. 

Si Ugandu, nakatayo sa may bangin. Alam niyang kung matatawid niya ito, ay lalaya na siya sa maiitim na balak ng mga dayuhang mangangalakal. 

Nguni't sa ibaba ng bangin, may isang kalansay. Sa kasamaang palad hindi nakatawid at duon na naghingalo at namatay. 

Isang katapusan din yun ng kanyang pag-aasam na makalaya. Kalayaan na magpakailanman. 

Habang siya ay nagmumuni-muni, dumating ang kanyang kapatid na babae, hinahabol ng mga mangangalakal. Tumakbo ng mabilis si Ugandu upang lituhin ang mga mangangalakal at hindi puntiryahin ang kanyang kapatid na nagtago naman sa masukal na halamanan. 

Takbo, takbo Ugandu pero natalisod siya at nadakip, pinosasan, itinali at isinama sa ilang pulutong ng mga kalalakihan na nahuli rin. Mahaba ang pulutong, mga sampu, nakatali sa likod ang mga kamay, nakabalot lamang ang kanilang mga pundilyo, at may iisang kadena, paikot sa kanilang mga kamay, habang ang mga mangangalakal, isa sa harap, isa sa likod at isa sa tagiliran ng parada ay nagbabantay, dala ay latigo.

Napapikit si Ugandu. Nakahiga siya sa ilalim ng barko na maglalayag papunta sa malayong lupa, kasama ang iba pang nakidnap. Naalala niya ang kanyang ama, habang siya ay pababa ng tiyan ng barko. Tumatakbo siya at kumakaway, "Ugandu! Ugandu!" Pangalan niya ang sinasambit, mga huling pagsasambit pagka't alam niyang hindi na siya makababalik, katulad ng ibang mga nakidnap, isinilid sa barko, tinangay papunta sa ibang lupa. 

Diyan nagsimula ang pangangalakal ng mga aliping Afrikano na dinala sa tinatawag na Bagong Mundo sa Amerika upang gawing mga magsasaka, magniniyog, tagatabas ng tubo, para sa mga puting nagmamay-ari ng lupa. 

Ang katumbas ng mga Afrikano sa atin ay ang mga magsasaka sa Panay na dinala sa Negros upang magtabas ng tubo at gumawa ng asukal na inaangkat palabas ng Pilipinas noong panahon ng Kastila. 

Mga Kastila, Portugese, Ingles, Pranses din ang mga nanakop ng Afrika. Kinalakal ang kayamanan sa lupa, kinalakal ang mga katawan ng manggagawa sa pangalan ng kolonyalismo. 

Ngayon ay lumalaban ang mga taong may kulay sa Amerika. Ang kanilang kilusan, "Black Lives Matter." (Ang buhay ng mga Itim ay May Kabuluhan.)

Kahit na pinirmahan ni Abraham Lincoln noong 1862 at nagkabisa noong 1863, ang Emancipation Act hindi pa rin nawawala ang pang-aalipin o limitadong dignidad ng mga Itim. Sila ay pinasikat sa larangan ng sports, ng media, ng pelikula, ng pag-awit, paggawa ng musika, subali't sa mundo ng pulitika na gumagawa ng mga batas, mga puti pa rin ang namumuno at namamayani. 

At hindi lamang yan. Sa mga lansangan ay maraming nagtatangka, pumapatay sa kanila, dahil sa malalim na galit sa kanilang kulay. Si George Floyd, namatay habang ang tuhod ng isang pulis si Derek Chauvin, taga Minneapolis Police Department, ay nakapatong sa kanyang leeg ng 8 minuto. huling pananalita ni Floyd:"Hindi ako mkahinga. (I can't breathe.)" Si Jacob Blake, binaril ni Rusten Sheskey, taga Kenosha Wisconsin Police Department, ng 7 beses, habang siya ay nakatalikod, papasok sana sa kanyang sasakyan,  upang protektahan ang kanyang talong anak nakaupo sa likuran. Hindi isang bala, kundi pito ang pumilay sa kanyang mga hita at paa. Isa na siyang paralitiko sa ngayon. 

Anong pinaglalaban nila: kalayaan upang mamuhay ng matahimik, mapayapa at may mga pantay ng karapatan sa Amerika. Paggalang sa kanilang katauhan, sa kanilang kakayahan sa anumang larangan. Karangalang mabuhay. Kilalanin na ang lahat ng lahi, anumang kulay ng kanilang mga balat ay may pantay na karapatan na mamuhay at magtamasa ng mga karapatan. 


Kuwento ni Ugandu, halaw sa THE PASSAGE, animation film tungkol kay Ugandu, pangalan na ibig sabihin "agila ng buhay." Sinulat ni Fern Lewis.  Ginawa ng Ministry of Education and Human Resource Development (2010) sa Barbados, ang huling destinasyon ni Ugandu. Mapapanood sa You Tube.


No comments: