Monday, July 1, 2019

LAYUNIN NG BUHAY, HINDI PAGPATAY


"Ang layunin ng buhay ay ang magsilbi, magpakita ng pakikiramay, at magkaroon ng mahigpit at mataas na adhikain para makatulong sa iba. 

Araw-araw, umiikot ang tiyan ko kapag naririnig ko ang pagpatay sa isang pusher, isang drug addict o kung sino pa man na nahuhuli. 

At nitong Linggo may nabasa ako sa Facebook: isang batang babae (siguro 15 anyos) na nag post: "E kung magpakamatay kaya ako?" Nalaman ko kaninang umaga ng hindi na pala siya pinapaaral dahil kulang daw ang suweldo ng kanyang Lola para punan ang pangangailangan niya. Naisip-isip ko na ilang araw pa ay maaaring gumamit na ang batang ito ng bawal na droga. 

Sa ibang bansa, may mga naging solusyon na sila, nguni't dahil naririto tayo at hindi natin makukuha ang masinsin na mga datos tungkol dito,  hindi natin masisiguro kung nalu  nalutas na nga. Kung kaya't narito ang nais kong ihain na solusyon na puno ng katanungan:

1. Tanong: may national action plan ba para mapigil ang drug us? Anu-ano ang papel ng bawa't ahensiya ng gubyerno sa pagsugpo nito? Ipinaaalam ba ito sa mga lokal na namumuno? Anu-ano ang parusa o pagbabago kung hindi natutupad ang action plan?

2. Bago magsimula ng pagwawalis ng mga biktima ng droga, at mga pushers sa isang lugar, marami na bang datos para malaman ng publiko ang extent o lawak ng problema? Alam ba ito ng publiko at ng akademya para kahit sila ay makapag-ambag ng solusyon sa problema?

3. Sa mga nagtutulak ng solusyon sa drug problem, may mga nailabas na ba silang dahilan kung bakit nagdodroga ang mga indibidwal? Nailabas na ba ang komprehensibo at kadalasang nangyayari dahil sa pagtutulak ng droga? Naipresyo na ba ang nawawalang yaman at oras ng bawa't lokalidad dahil sa paggamit ng droga ng mga citizens nila? May mga ginagawa na ba silang patakaran o proyekto para matigil ang paggamit ng droga sa kanilang pamayanan sa bawa't barangay? Anu-ano ang mg aito?

4. May mataas ba na pagintindi kung bakit nagdo-droga ang mga tao sa bawa't barangay? May mga solusyon bang inilalatag sa bawa't barangay para masawata ito? Kinakausap ba araw-araw ang mga tao para matigil na ito? Anu-ano ang mga pabuya para matigil na ito? 

5. Mabilis ba ang pagresponde sa mga nagiging biktima ng mga durogista?

6. Mabilis ba ang pagresponde kung may niri-report na gumagamit ng droga? 

7. May tatlong bahagdan ba ang paraan ng paghuli ng mga durogista: una, warning; 2. pagkausap sa pamilya; 3. pagkausap sa mga pari, social workers at mga guro kung makakatulong sila sa pagpigil ng paggamit ng droga ng isang indibdwal o maraming indibidwal sa barangay? 

8. Nakapaloob ba sa mga programa ng eskuwelahan, ng PNP, ng simbahan, ng social work, ng munisipalidad ang pagsugpo ng paggamit ng droga? Nagkakatulungan ba sila o kanya-kanyang pagkilos ang gawain? Bakit kanya-kanya? Bakit hindi sama-sama?

9. May regular na paghahambingan ba ang mga iba't ibang ahensiya sa pagsugpo ng paggamit ng droga? Kailan ito at sinu-sino ang mga dumadalo? May pagbabago ba?

10. Anu-ano ang mga batas na kailangang sundin, maging ito man ay national o international laws sa pagsugpo ng paggamit ng droga? Ang mga ito ba ay nasusunod? 

11. May mahigpit na kasunduan ba ang mga ahensiya kung ano ang ipatutupad na paraan para mapigil ang paggamit ng droga? 

Panahon na para magkaroon ng civilian response sa gawain laban sa droga ng gubyerno. At sa palagay ko matitigil ang mga patayan kung masasagot ang mga katanungan sa itaas at makapagbuo ng  pamamaraan na batay sa magiging kasagutan ng mga ahensiya. Maigi lalo kung magkakaisa ang lahat sa isang mapayapang pagsugpo ng paglaganap ng droga. 

Ang problema ng droga ay isang aspeto sa lipunan na gawa ng mga tao. Ang solusyon ay nasa mga tao rin.  Kapag ang tao ay gumagamit na ng droga para takasan ang kanyang mga problema, panahon na para maharap ito ng lahat hindi lamang ng pamilya. Dahil ang susunod na hakbang sa paggamit ng droga ay pagpapakamatay na. 




No comments: