Monday, February 25, 2019
PEOPLE POWER MOVEMENT REFLECTIONS
Some people refuse to call what had happened in Edsa 33 years ago as a movement. This is treachery to the historical act of the Filipino people. Why so?
The confluence of the people's desire to end elitism - ang pagiging matapobre, ang pagbibigay ng espesyal na pagtingin at pagyuko sa lahat ng gawain ng First Family, ang pagsusupalpal sa media kung saan lahat ng mga sinusulat sa diyaryo, ang inilalabas sa TV at radyo ay kinakailangang magdaan sa mga mapanuring mata ng National Media Production Center, ng mga intelligence agencies ni Marcos; ang pagpili kung ano ang ilalabas na larawan ni Imelda at kailangang maganda ang anggulo at expression ng mukha niya; ang taun-taon na pamamasyal ni Imelda sa iba't ibang bansa, gamit ang private jet planes para mag-shopping para sa sarili at para sa kanyang pamilya at amigas; ang pagtrato ng mga Marcoses ng MalacaƱang bilang kanilang kaharian; ang mga paintings na nagsisimbolo ng mga mukha at paghahari nila naka displey sa bungad ng Philippine Heart Center at sa MalacaƱang; ang wangwang tuwing daraan ang mga opisyales para ipakitang sila ang sikat at walang iba; etsetera etsetera. Hindi ko na babanggitin ang mga nahuli, pinahirapan, pinaslang, nakulong, at mga nawawala na hanggang ngayon ay di pa nakikita; ang pagbabantay sa mga klase sa Unibersidad ng Pilipinas ng mga lalaking may bitbit na maliit na bag na itim, nakabarong, at may notebook. na naglilista kung anu-ano ang mga pinaguusapan, ang paglalagay ni Imelda ng korona sa kanyang ulo na nagpalahiwatig na siya ay reyna na may forever na appointment at di kailanman matatanggal sa puwesto, tulad ng aristokrasya sa Ingglaterra at iba pang mga bansa; etsetera etsetera.
Higit sa lahat ang paglalabas ng mga presidential decrees na siyang mga naging batas ng Pilipinas na hindi idinaan sa Kongreso (na nilusaw noong 1972) pa lamang, hindi napagdebatihan, hindi na sinuri, walang ibang nagbigay ng kontrang opinyon, ang kawalan ng paggalang sa karapatan ng taumbayan na mag-isip, magsuri, magbigay ng opinyon; ergo ang pagsira sa kahulugan ng hustisya. Ang mga ito ang tinatawag nating "one-man rule, " sa isip, sa salita at sa gawa.
Ang pinakamasama ay noong Snap Elections 1986, bilang pagsira sa karangalan ng kalaban, sinabi niya na "Women belong to the b__________m" isang uri ng ad hominem kung susuriin kung anong klaseng argumento ito. Ang ad hominem ay isang mapanginsultong paraan sa pakikipag debate.
Kailangan pa bang balik-balikan natin ang mga yan upang ideklara na ang nangyari noong 1986 ay isang pambansang pag-aalsa ng bayan sa lahat ng mga binanggit ko sa itaas? Oo, kailangan sapagka't marami ang may amnesia, makakalumutin, nakinabang sa ilalim ng diktadurya at gustong baguhin ang pagsusulat, ang pananaw mula sa makabayang pagtingin ng ating kasaysayan.
Yan ang mga karagdagan at sukdulang kadahilanan para itaga natin sa bato na kaylanman ay hindi natin ibabalik ang mga panahon yun, hindi natin hahayaang lumitaw muli ang isang diktador Sa ating bansa
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment