Monday, February 2, 2015

Isang Panalangin para sa Pagkalinga sa Buhay



Mahal naming Panginoon, Maraming salamat sa pagkalinga sa aming bansa ngayong panahon na ito. Maraming salamat sa pangangalaga ng aming mga lupain bagaman maraming mga gahaman ang patuloy na sumisira sa mga yamang kalikasan at yamang lupain para sa pansariling kagalingan nila. 

Sa ngayon, nahaharap kami sa isang napakamaselan na kalagayan kung saan ay 44 na kapulisan ng Special Action Forces and pinatay sa Mamasapanao, Maguindanao. Malayo ang probinsiyang ito subali't ang aming mga napatay na kababayan ay nagtiis, noong nabubuhay pa sila na madestino sa lugar na yun sapagka't malaking hamon na dapat nilang harapin ang pagtulong sa bayan at sa ating mga kababayan para matamo ang katahimikan. 

Marami sa kanila ang maaari sanang tumira na lamang sa Kamaynilaan o kaya sa lalawigan nila at mabuhay ng matahimik, magnegosyo, magpamilya at magparami ng mga anak na magmamana ng kanilang maiipong kayamanan. Subali't hindi, ang mga miyembro ng SAF, na may edad 20+ hanggang 35+ ay namili ng buhay na napakahirap, ang humarap sa isang kaaway na ang alam lamang ay magdomina sa buong mundo, pumatay at mamatay para lamang makamit ito. 

Ibang uri ng pananaw sa buhay ang kanilang mga nakasagupa, kahit pa man duon sa huling asaynment nila. Sila ang mga lalaking pinanganak ng ang aming bansa ay muling nabubuhay sa ilalim ng isang demokrasya, 1980's, panahon ng pagbabalik ng demokrasya at pagpapatatag nito para hindi na muling bumalik sa isang rehimeng nanunupil ng mga karapatang pantao. 

Mahal na Panginoon, bigyan mo po sila ng katahimikan sa iyong sinapupunan. Tulungan mo ang kanilang mga pamilya, lalo't higit ang mga asawa, ang mga nobya at higit sa lahat yung mga nobya na may anak sila sapagka't ayaw muna nilang mag-asawa marahil dahil sa hindi pa nila kayang masustentuhan ng husto; ang mga magulang nilang inialay ang buhay ng kanilang mga anak ng buong pag-aagam-agam. 

Sana po ay maintindihan ng mga pumatay sa kanila ang mga kasalanan nila sa inyo - ang pagkitil sa mga buhay na kayo ang may bigay -- na ang pagkitil ng buhay ay hindi naaayon sa sangkatauhan, na bawa't nilalang ay may karapatang mabuhay. Sana po ay sumuko sila at magbago ng mga patakaran nila sapagka't hindi matatahimik ang aming bansa habang ang kanilang pilosopiya sa buhay ay nananatili sa paghasik ng lagim sa lipunan. 

Bigyan mo po kami ng mga opisyales na sensitibo sa aming pangangailangan. Bigyan mo rin po sila ng malawak na pananaw sa buhay upang hindi lamang mga papel ang kanilang hawak kundi sila ay makikibahagi sa buhay ng mga nangangailangan sa aming lipunan. Bigyan mo po sila ng mga pusong tumitibok para sa pagbigay ng tunay na katarungan sa mga napatay at maituwid na nila ng tunay ang daang tutungo sa isang makaDiyos, maka-tao at makakalikasang lipunan. 

Sana po ay wala nang magbububo pa ng dugo, magbubuwis ng buhay upang magarantiya namin na ang mga susunod na salinlahi ay may pagkalinga na rin sa buhay ng lahat. 
Siya nawa. Amen. 

No comments: