I-TEXT MO
Kuwento
ni Emma S. Orozco
Alam
niya nagalit si John sa kanya kaya hindi ito nagte-text man lamang sa
kanya. Nagalit ito dahil hindi niya sinabi ang pangalan ng gustong
bumili ng lupa sa kanya. Sa isip-isip niya, bakit naman niya
sasabihin? Kaanu-ano ba naman niya siya e ang links lang naman nila
ay dahil magkaibigan sila?
Napakamasalimuot
talaga ang buhay ni Erlinda sa ngayon. Para siyang parating
nakatuntong sa balag ng alanganin. Mayroong parang nagiging yelo na
siya sa takot kumilos, o kaya ay parang nakasimento na ang mga paa
niya sa daan tuwina siyang maglalakad, o kaya ay para talagang
napakabigat ng mga paa niya sa paghakbang.
Hindi
niya malaman kung bakit ganito samantalang kumikilos pa rin naman
siya at sa bawa’t pagkilos niya ay alam niyang ito ang hakbang
patungo sa isang malaya, higit na makilos na pamumuhay.
Paano
ang gagawin niya sa ngayon? Ah, naisip niya si Mario. Tatawagan niya
si Mario. Maraming alam ito tungkol sa mga telecommunications. Kaya
nitong ma track down kung sino ang nakatrack down ng kanyang numero
at nakakuha ng impormasyon kung sino ang kanyang buyer.
E ano
naman kung malaman na niya na na-hack ang kanyang telepono, na may
nakikinig at naipasa ang impormasyon kung sino ang kanyang buyer? E
ano kung malaman niya kung sino ang nang-umit ng impormasyon na yun at
nakasulot ng kanyang deal? E ano kung nasulot ang kanyang deal?
Yan ang
kaibhan nila ni John kasi ang taong ito, todo pasa. Tapos na ang deal
na yun. Huwag mo nang balikan, ang sabi siguro nito. Kasi hindi na
nagtetext back. Ganun nga si John. Kapag tapos na ang isang deal, go
on to the next. Para bang pagka tapos na ang isang relasyon, go on to
the next. Ayun? Talaga bang ganun ang buhay? Parang nagpapalit ka
lang ng damit? Aba, mali yata yun.
Yan ang kinagagalit ni Erlinda. Maraming tao sa
Pilipinas ang nagsasabi, tama na yan. Matatapos din yan sa 2010.
Let’s go on with our lives. Diyos na ang bahala sa mga
nangungurakot, sa mga nagnanakaw ng puwesto sa gubyerno. Diyos na ang
magpaparusa sa kanila. Ganun? Ganun na lang ba yun?
Alam ni
Erlinda na yun talaga ang pilosopiya ni John at para sa kanya,
anathema ito. A-N-A-T-H-E-M-A. As in hindi puwede. Kung ang negosyo ko hindi na safe sa
mga pakikialam, sa mga pagnanakaw ng impormasyon, paano pa ang
kanyang boto? Ano pa ang halaga ng buhay? Para ano pang mabuhay?
Oo nga? Parati na lang pakikibaka? Walang katapusan? Nakakapagod na. Breathe in and out. Inhale, exhale. Yan ang ginagawa
ni Erlinda tuwing parang na te-tense siya sa pag-iisip o kaya ay may
mga nakakasalamuha siyang mga tao na di mawawaan ang pulitika.
Simula
nuong napalayas si Erap hanggang ngayon, walang puknat ang pagsusulat
ko, kahit na wala na akong diyaryong masulatan man lamang ng
tuluy-tuloy, ang nawika ni Erlinda sa sarili. Pagud na pagod na siya.
Kailan ba ito matatapos?
Pero
kailangan niyang harapin si John. Makikipag break na siya sa taong
ito sa ngayon. Papayag na rin ito kasi alam niya na talagang
opposite, taliwas ang pananaw nito sa buhay kesa sa kanya. Teka, baka
si John ang nagpa-track down ng kanyang conversations sa telepono at
nang-umit ng impormasyon. Oo nga.
Nagtataka
si Erlinda kasi unti-unting nawala ang lahat ng mga ahente na
kinakausap niya – si Panda, si Candy, si Morlin, at si Lem. Text
siya ng text sa mga ito upang sabihin na naririto na ang buyer. Sa
simula, enthusiastic sila. Ilang bahay ang tinext sa kanya. At
pagkatapos ay bigla na lang nangawala. Nawala lahat na parang bula.
Ni hindi nagsabi na heto na, o wala akong makitang mai ooffer natin.
O kaya ay saka na lang. Sa halip ay biglang na lang tumatahimik ang
kanyang cellfone. Tahimik na nakakabingi ang kawalan ng marinig man lamang.
Hay,
naku, ang nawika ni Erlinda. Masalimuot talaga ang mga pangyayari.
Pero gugustuhin pa rin niyang malaman ang katotohanan. Tatawagan niya
si Mario, at ipapatrack down niya. Kailangan niyang malaman ang
katotohanan dito. Kasi parang naipangako na niya sa sarili niya na
kaya niyang mabuhay dito sa Pilipinas ng maalwan, at hindi niya
kailangang mangibang-bansa. Sa real estate ang kanyang ikabubuhay.
Kaya
lang ay parati siyang hinihila sa pulitika. Hila-hila, tulak din siya
ng tulak upang kumilos ang mga tao. Tapos siya ng edukasyon pero
hindi siya nagtuturo. May mga taong hinaharang ang bawa’t
aplikasyon niya sa lahat ng mga eskuwelahan.
Ang huling pagtuturo
niya ay sa Dos Santos University. Pilosopiya. Mabigat pero nagawa niyang magkaron ng interes and mga estudyante kina Plato, Locke, Marx, at sa mga feministang philosophers tulad ni Simone de Beauvoir.
Pinagawa niya ng exhibit ang mga bata na dinespley sa eskuwelahan. Napanood ito ng buong eskuwela.
Marami siyang naging estudyante at
naituro niya ang pilosopiya – pati na ang third world feminismo. Kasi sa mga mahihirap na bansa na kung tawagin ay third world (kasi ang mga ito ang nag-eexport ng hilaw na materyales para gawing finished products sa ibang bansang maunlad) iba ang kalagayan ng kababaihan. Kasing api sila ng mga lalaki. Sa kanluran o maalwan na bansa, kadalasan ang binibigkas ng mga feminista, lalaki ang dahilan ng kanilang kaapihan.
Sa kanya, yun
ang panahon na ang taas ng kanyang naging suweldo; nabayaran niya
ang kanyang unit sa kondominyum, at naibuhos niya ang lahat ng
nalalaman niya sa pulitika upang magising ang mga tao sa pagkakatusok
ng morphine na nagpa-amnesia sa kanila.
Pero minsan, sa faculty lounge, wala siyang makitang upuan. Naupo siya sa silya ng chairman. May natsu-chua at sinabi ito sa chairman na kinagalit naman nito. BAKIT MAY NAUPO SA SILYA KO? Ganun? Ang silya ang nagde-define ng kanyang pagkatao?
Dahil doon, nawalan ng load si Erlinda. Balik na siya sa pagsusulat muli.
Oo, ang
pagbagsak ni Erap ng biglaan at parang walang pag-aalsang nagawa ang
mga tao, kundi yung ginawa lamang ng kanyang mga tauhang natulungan
sa komunidad ay isang uri ng pagsa-shabu, pagkawala ng katinuan o
pagkawala ng urirat na parang nainiksiyunan ng morphine. Bakit?
Nahirati
ang mga tao sa pag-iisip na de-kahon. “Ako ay negosyante. Ayokong
haluan ng pulitika ang aking negosyo.” Yung isa naman sasabihin
“Ako ay nasa gubyerno. Ginagawa ko ang dapat kong gawin. Tama lang
na suwelduhan ako. Ngayon kung sa taas may mga nangyayaring
kaguluhan, nakawan sa puwesto, bahala na ang Diyos sa kanila. Wala
akong paki. Basta ginagawa ko ang trabaho ko.”
Madalas
marinig ni Erlinda ang mga dahilan na yan para hindi na pumasok sa
magulong mundo ng pulitika ang mga tao. Middle-of-the-roader wika
nga. Walang paki sa mga nangyayari sa kaliwa’t kanan. Basta siya ay
kikilos ng diretso sa buhay niya -- kikita sa araw-araw, kung maliit, aba palalakihin. No politics for me. Hah! Never!
Tiningnan
ni Erlinda ang celfone niya kung sumagot na si Mario. Magkikita na
sila. Aalukin niya si Mario ng kape, at kung ayaw pumayag sa kanyang
hinihinging impormasyon, aalukin na niya ng pera. Ayaw naman niyang
ialok ang sarili niya. Ano, bale? Sobra nang kaputahan yan.
Diyan
na rin naiinis si Erlinda sa buhay na ito. Kasi parating celfone na
lang ang nagiging link niya sa mga tao. Ni hindi na niya makausap, o
marinig ang tinig. Mahal kasi kung direct calls.
Nakakatawa.
Magdi-deal siya ng milyones pagkatapos ni hindi siya maka direct
calls. Duon na sila nag-aaway na palihim ni John. Kasi parang
nanghihinayang siya sa direct call niya nuong tawagan niya ito
tungkol sa deal, kung mayroon siyang mai-ooffer na mga bahay at lupa
na may swimming pool. “Bakit ka manghihinayang sa tawag mo? Ang
tinuro ko sa iyo ay hindi mo matatawaran.” Nagpasalamat naman siya
kay John pero nagtataka siya kung bakit ganun ang naging sagot nito.
Kasi
sanay sa buhay na maalwan talaga si John. Hindi sanay sa hirap. Sa
katunayan, ang asawa nito ay nasa Amerika para magtrabaho. Hindi
maiwanan ang buhay na dolyares. Oo nga naman, masarap sumuweldo ng
dolyar. Tayms 48 kaagad ang bawat isang dolyar.
Pero
mahalagang makuha niya ang impormasyon na yun. Kasi ang editor niya
mahilig din sa sleuthing articles. Oo, kailangan niyang makuha yun.
Para sa sarili niya at para sa editor niya. Yun ang magpapakita ng
kahungkagan ng free enterprise sa Pilipinas. Walang free enterprise.
Wala kundi dayaan, sa lahat ng paraan, kesyo sa pulitika o sa
negosyo.
Pero
paano niyang isusulat yun? Paanong tatanggapin ng editor niya ang
artikulong yun kung hard-hitting? Ah, marunong maglaro sa
establishment ang kanyang editor. Pasundut-sundot dito, pahimas-himas
duon. Basta walang mga malalaking pangalang lalabas, okay lang yun.
Napapikit
na lamang si Erlinda sa mga senaryong naglalaro sa kanyang isipan.
Natuto siya tuloy mag-mediteyt- Breathe in and out. Nakapikit, at walang iniisip.
Erlinda,
in and out. Sampu, hanggang tatlumpung minuto. Wala kang iisipin
kundi ang hangin na dumaraan sa ilong mo. Papasok sa baga at
pagkatapos ay lalabas. Paulit-ulit.
Bakit
ba siya naipanganak pa sa Pilipinas? Bakit hindi sa ibang bansa,
tulad ng Caribbean Islands? Ang sarap siguro duon, nakaharap lang
siya parati sa dagat at walang ginagawa kundi uminom ng buko at
lumangoy sa dagat. E ano kung mangitim siya? E ano kung manguluntoy
ang balat niya sa araw? Ano ba ang buhay, di ba natatapos din? Hindi
ba masarap matapos ang hininga sa may baybayin habang papalubog ang araw. Sa
halip na isang hungkag na buhay na puro text lamang, haharap na lamang siya sa papalubog na araw at hihinga ng malalim.
Tumunog
ang celfone ni Erlinda muli. At tiningnan niya kung kanino galing.
Galing kay Mario o kay John? Pumikit siya at nag-mediteyt na lang.
Hinga ng malalim, papasok, palabas. Hinga ng malalim. Papasok, palabas. Pap....
Bago mag 2010 elections, sinulat ito ni Emma S. Orozco na nangarap ng isang tunay na malayang bansa.
No comments:
Post a Comment