Tuesday, February 17, 2015

BINALATANG KATAWAN

Image result for tsunami clip art free


FOLKS, here is a short experimental drama of mine which was published in the latest Ani Journal of the Cultural Center of the Philippines. I wrote this after one of the disasters happened in our country, sometime in 2012. It was launched only on 2014 because kulang sa budget ang CCP. The head of the Intertextual Division, formerly Literary, is Mr. Hermie Beltran. You may get in touch with CCP how to get hold of the volume which contains a lot of writings of our Kababayan from Luzon to Mindanao. 

CCP President -- Raul Sunico, formerly based there in USA -- 834-0468





BINALATANG KATAWAN
Isang Maikling Dulang Experimental ni Emma S. Orozco

(PAYAK ANG ENTABLADO. SA GITNA, DALAWANG PUNO ANG NAKATAYO SA MAGKABILA. SA KANAN AY MAY ISANG VIDEO SCREEN. SA SIMULA AY LILITAW, ANG MAPA NG EASTERN VISAYAS, ANG ILANG LARAWAN NG MGA BAYAN BAGO DUMATING ANG BAGYONG YOLANDA. MATAPOS ANG FLASHING NG MGA LARAWAN, MAGSISIMULA ANG DULA.)

SFX: TUNOG NG MATAHIMIK NA ALON NA HUMAHAMPAS SA DALAMPASIGAN.

ISANG BANGKO, WALANG SANDALAN. MAY DALAWANG TAUHAN, ISANG BATANG LALAKI . LABINDALAWANG TAON, AT ISANG BABAE, NASA IKAW TATLUMPUNG TAON. DAMIT NILA AY PAYAK. AT MAY HAWAK NA TIMBA. NAKAUPO ANG BABAE SA BANGKO. MAY TUNOG NG MGA IBONG LUMILIPAD. TUMUTUNOG DIN ANG MGA SIKADA. MARIRINIG DIN ANG MGA TUNOG NG BAKA AT KAMBING.)

PAGPASOK AY KUMAKANTA ANG BABAE:

BABAE: AY, AY MAGANDANG GABI SA INYONG LAHAT. HATID NAMIN KUWENTO NG AMING KATAWAN – BATA, MATANDA, MALUSOG, NANGUNGULUNTOY, MALIKSI, NANGHIHINA. MAKINIS NA BALAT, MAGASPANG.

Bakit tayo nilalang ng Maykapal sa planetang ito? Para maghirap? Para magsaya? Para yumuko at di magtanong o para itaas ng itaas ang ating kamao! HA! HA! HA! (sA BAWA'T HA AY TINATAAS NIYA ANG KANYANG KAMAO)

Ah, tayo nang makinig, manood sa aming awiting-kuwento. Ay ya ya yay! Ay ya ya yay! Dito, dito sa entabladng ito. Aming ilalahad Tayo na, Totoy!

(SOUND EFFECTS: UGONG NG MGA TAONG DI MAPAKALI, MAY TUMATAKBO, MAY NAPAPAIYAK, MAY NAPAPASIGAW NG PAIMPIT.)
TATAKBO ANG BATA SA PALIGID NG ENTABLADO. HINDI SIYA MAPAKALI. IIKUT-IKOT, PARANG MAY NARIRINIG.

BATA: Inay, Inay, may naririnig ako. Ayaw tumigil. Patuloy ang pag..pagsipol!

INA:: Anu yun, Anak, anu yun?

BATA:: Hindi, hindi nagsasalita. Parang bumubulong. Ay! Para akong mabibingi. (MAPAPALUHOD AT IIIKOT NIYA ANG KANYANG ULO)Ayoko nang marinig. Natatakot ako!

INA: (TITINGALA SA LANGIT) Kung ano ka man, itigil mo yan! Tama na ang pahirap mo sa amin!
(ITATAAS NIYA ANG KANYANG KAMAO SA LANGIT) Pakiusap. Pakiusap! Ayoko nang mahirap!

BIGLANG MAGLILIWANAG ANG ENTABLADO. IBA'T IBANG KULAY. AT PAGKATAPOS, LALAMLAM. KULAY DILAW. MAY SPOTLIGHT SA BANGKO.

(MAWAWALA ANG MGA TUNOG NG IBON AT SIKADA. UNTI-UNTING HIHINA)

BATA: Inay, Inay, nairirnig ko na naman. Pero sumisipol. Sumisipol,at palakas nang palakas. Parang may inasabi. May binubulong. Naririnig mo rin ba? Hindi ko mawawaan.

(SOUND EFFECTS. PALAKAS NANG PALAKAS ANG MGA HINDI MAGKAMAYAW NA MGA TINIG NG MGA TAONG LUMILIKAS. MAY TUNOG DIN NG ALONG NAGNGANGALIT AT HANGIN. )

INA: (TATAYO, AT PARANG NAMAMALIKMATA. MAGBABAGO ANG TINIG NIYA, MAY ECHO) Ako'y parating, papasok sa bawa't lupat at kapaligiran. Hahayo ako sa iaibuturan ng puso ng bawa't bata, ng bawa't nakatatanda, ng bawa't babae, lalaki, anumang kasarian. Ako'y naghahanap ng kasagutan. Nasaan kayo?

BATA: Ano ang tinatanong, Inay? Bakit siya nagtatanong?

INAY: Matagl na tayong nabibingi sa kawawaan ng mundo. Bakit may dagat? Malamig ang tubig. Binibigyang buhay ang mga isda, ang mga dugong, ang mga pagong. Hayo! Hayo, mangisda kayo. Bigyan ng pagkain ang mga tao.

(DIDILIM, LILIWANAG, MAY KIDLAT PERO WALANG ULAN.)
BATA: Ah, tama na. (TATAKPAN ANG MGA TENGA NIYA PARANG MAY NARIRINIG NA KAKAIBA) Tama na. Ayoko nang marinig ang sipol 'Nay, sumisipol palakas ng palakas. Saan papunta?

INAY: Bakit may hangin? Upang tayo ay makahinga, upang tayo ay mabuhay. Buhayin ang Sangkatauhan! Buhayin kami!

Nguni't malaking kasakiman. Ano ang mga umuusbong sa langit? Tsimneya, maraming tsimneya. Umuusok silang lahat. Itim na usok. Paakyat sa langit. Kaunlaran para kanino? Para sa amin o para sa inyo? Anong uring kaunlaran?

Ay! Ay! Ay!

(LALAKAS ANG SIPOL AT PARANG MABIBINGI SILANG DALAWA. MAG-AAKAPAN SILA.)

BATA: Inay, ipu-ipo. Umiikot ang mga dahon ng puno. Winawasiwas ng hangin ang puno. Baka...BAKA Mabuwal.

(MAWAWALA ANG TUNOG NG HANGIN. UNTI-UNTING KAKALAS ANG BATA SA INA. )

INAY: Hindi, hindi namin kailangan ang mapanirang kaunlaran, sinisira ang paligid, ginagawang hungkag ang kamalayan tungo sa mapagkasangkapang pagnanasa. Dinodiyos ang ginto, sinasanto ang pilak, ginagawang palamuti ang dalangin.

BATA: Inay, paalis, paalis ang mga ibon. Parang nalilito sila. Saan sila pupunta? Ang mga baka at kambing, hayun, tumatakbo papunta ng bundok.

INA: Maitim ang mga ulap, naglalakbay, parami ng parami. Mabigat ang mga ulap, maraming dalang tubig.

(PALAKAS MULI ANG HANGIN. PALAKAS NG PALAKAS ANG TUNOG. MAY ULAN NA RIN NA TUMATAGAKTAK, PALAKAS NANG PALAKAS.)

BATA: Inay, hindi ba tayo lilikas? Halika na, punta na tayo sa simbahan.

INA: (TITINGIN SA LANGIT) Nagngangalit ang hangin. Bumubuhos na ang ulan. Babahain ang buong bayan. Tubig, tubig, luha ng langit, saan ka pupunta?

(PAPASOK NA ANG TUBIG. MAAARING MAHAHABANG TELA ITO NA KULAY PUTI AT ASUL, WINAWASIWAS, UNA NASA SAHIG LAMANG PERO PATAAS NANG PATAAS, HANGGANG SA LEEG NG DALAWA. )

BATA: Narito na ang tubig. Umaakyat na sa unang baitang. Saan tayo susuling kung tumaas ang tubig? Saan tayo matutulog?

INA: Halika, Anak. Huwag kang matakot. Malawak ang kalawakan. Bawa't nilalang ay may mahihigaan, mahihimlayan. Hihimlay tayo sa langit, sa kalawakan, katabi natin ang mga bituin at buwan.

(NATATAKPAN NA NG MGA TELA ANG UPUAN, AT AAKYAT ANG DALAWA SA BANGKO. TATAYO RITO.)

BATA: Natatakot ako Inay. Natatakot ako, baka tayo malunod. Baka tayo mamatay. Malamig ang tubig.

INA: Malamig ang tubig, kasi mainit ang ating katawan. Pinalalamig ang ating mga paa. Ang mga paang pagod sa kalalakad, kaaakyat ng bundok, ng matataas patungo saan? (TITINGALA SA LANGIT) Saan? Saan?

(UNTI-UNTING MATUTUMBA ANG MGA PUNO)

INA: Ang mga puno wala nang makapitang lupa, namamaalam, hindi na nila kayang tumayo. Hayo! Humayo na kayo!

(SOUND EFFECTS: MGA TAO, NAGKAKAGULO. HINDI MAGKAMAYAW. TUMATAKBO, NAGPAPATULONG.)

BATA: Sumama tayo sa kanila, 'Nay, lumilikas na sila.

INAY: Oo, lumilikas na sila. Aalis na rin tayo.

(NAGYAYAKAPAN NG MULI ANG DALAWA.)

BATA: Palaki na ng palaki ang tubig. 'Nay, kung di man tayo magkasama...

INAY: Huwag, huwag mong sabihin yan. Magsasama tayo. Hawakan mo ang kamay ko. Haw-hawakan mo! Totoy! Totoy!

(SFX: MALAKAS NA MALAKAS NA ANG HANGIN AT TUNOG NG ALON NA HUMAHAMPAS SA DALAMPASIGAN.)
BATA: 'NAY! (MAPAPALAGOK NG TUBIG, UNTI-UNTING LULUBOG, PERO LILITAW PA RIN, MAPAPALAYO SA INA. )

(PIPILITIN NG INANG MAABOT ANG KAMAY NG BATA HANGGANG SA SIYA'T MAHULOG MULA SA BANGKO. MAY MAAABOT SIYA PERO MGA PUTUL-PUTOL NA BRASO AT PAA. )

INAY: Ah, ano ito? Braso? Paa!

(AABUTIN NIYANG MULI SI TOTOY PERO PALAYU NANG PALAYO SI TOTOY. MAY IBA'T IBANG BAHAGI NG BAHAY NA LUMULUTANG, DARAAN SA HARAP NG INA. HALIGI, BINTANA, PINTUAN, YERO, AT KATAWAN NG ISANG BATA. )

INA: (MAY LULUTANG NA MGA KATAWAN NG TAO SA HARAP NIYA.) Diyos ko, ANO ITO? ANO ANG MGA ITO?

(TITINGIN SA LANGIT ANG INA.) Tama na, itigil nyo na ang ulan, Diyos ko, anong kasalanan namin! Ano! Ano!

(MALAKAS NA MALAKAS ANG HANGIN, BUMUBUHOS NA ANG TUBIG MATAAS, GALING SA DAGAT. AT MAYAMAYA, LALAYO. MATAPOS ANG ILANG SEGUNDO, AAKYAT NA NAMAN ANG TUBIG, LALAYO, AT PAGKATAPOS ANG PINAKAMATAAS, AAKYAT NA NAMAN. LALAYO.)

(TATAHIMIK ANG LAHAT. UNTI-UNTING HIHINA ANG TUNOG NG HANGIN, PAPALAYO. FLASH ON SCREEN, BEFORE AND AFTER NG MGA LARAWAN NG MGA BAYAN AT TAONG NASA SIMULA NG DULA. DISSOLVE ONE AFTER ANOTHER. PAGKATAPOS NITO LALABAS ANG INA AT BATA, NAKAPUTING DAMIT.)

INA: Hindi nawawala ang mga pangarap sa tulugan, sa ating mga unan. Lilitaw muli sa ating pagbangon, sa ating paghinga ng malalim, paulit-ulit. Saan, saan tayo patutungo? Katawan lamang ang namamatay, hindi ang mga pangarap, hindi ang mga mithiin. Ang lupa, masarap tapakan ang lupa.

BATA: Masarap maglaro sa lupa. Nabubungkal ko, nakapagtatanim ng maliliit na halaman.

INA: Ang mga puno, tutubo sa lupa, magaganda, nagbibigay buhay sa bawa't tao, silungan ng mga ibon.

BATA: Umaakyat kami ng mga kalaro ko sa puno sa gabi, nanonood ng mga bituin at buwan. Ang dami-daming bituin. At kung kabilugan ng buwan, naglalaro kami sa lupa; ang sinag ng buwan, tanging ilaw namin.

INA: Hahayo tayo sa paraiso ng pagbibigayan, sa pagkilala ng kahalagahn ng bawa't nilang, lalo na ng sangkatauhan.

(SFX: HANGIN GALING SA MALAYO. TUNOG DIN NG ALON NA NAGNGANGALIT.)

Mabait si Inang Kalikasan. Nagpapahiwatig lamang siya – (with echo) Naririto ako, nasaan kayo? Lingapin nyo ako. Mabubuhay lamang kayo...ang sangkatauhan kung ako ay yayakapin. Kakalingain. Halina.

(ANG DALAWANG HULING KATAGA AY AALINGAWNGAW NG MATAGAL.
(TATALIKOD ANG INA AT ANAK. LALAMLAM AT MAWAWALA ANG MGA ILAW. SA PAGDIDILIM, UNTI-UNTING TUTUNOG ANG HANGIN, TAPOS MAWAWALA. BLACK OUT. MAY TUNOG PA RIN NG HANGIN. TITIGIL.)

FINE. TAPOS NA. THE END.

No comments: