WALANG KONEK
Sinulat ni Wilhelmina S. Orozco
The
heat is on.
Umiinit na ang Impeachment case laban sa chief justice. Tumitindi na ang
pagpapalitan ng argumento, sa punto pa lang ng paglalatag ng ebidensiya sa mga
charges na nagpayaman at gumawa ng hindi matuwid na pagkilos habang nasa
puwesto ang chief justice.
Bilang pinakamataas na pinuno ng isang
institusyon na dapat ay magbigay ng hatol para magkaroon ng katarungan sa
bansa, napakahalagang malinis ang puwesto ng chief justice.
Ano ba ang dapat bantayan sa panonood ng
kaso? Unang-una na, dapat tingnan natin ang pag-iisip ng mga tao rito: ang mga
huwes-senador at senadora; ang prosecution at defense panels, at ang pangulo ng
Senado. Iba ang legal na pag-iisip sa ordinaryong pag-iisip. Ang legal na
pag-iisip ay nakatuon sa maraming bagay tulad ng facts o katotohanan, ang mga
nangyari; sa mga relasyon ng mga taong nasasangkot sa kaso, at marami pang iba
subali’t higit sa lahat, nakatuon din ito sa lohika ng argumento o pagdedebate—ibig
sabihin, makatuwiran ba ang pag-iisip?
May mga uri ng pag-iisip sa legal na mga
sitwasyon na hindi makatwiran. Nakapanlilinlang. Tingnan natin sa ibaba ang mga
halimbawa na hango sa kasong nabanggit:
NAKALILINLANG
NA MGA ARGUMENTO
1.
PASPASANG KALAHATAN O NAGMAMADALING KONGKLUSYON (SA INGLES, HASTY
GENERALIZATION):
SALIGAN o PREMISE: Ang pagbibigay ng SALN ay tungkulin ng lahat
ng mga nagtatrabaho sa gubyerno.
PANGALAWANG
SALIGAN: Binigay ni CJ ang kanyang
SALN.
KONGKLUSYON: Ginagampanan ng CJ ang kanyang tungkulin. Kung kaya’t hindi na dapat pang pagdebatehan
ang kaso, at sa partikular na ito, ang Artikulo 2 ng kaso.
Ito ang gustong ipalabas ng depensa, na sa pagkakabigay ng SALN, tapos
na ang argumentasyon sa Article 2, malinis na ang reputasyon ng CJ. .
TANONG: Dapat
bang matapos ang kaso sa pagbibigay ng SALN?
Ganun ba
kakitid mag-isip ang taumbayan para tanggapin ang SALN at bahala ka na sa buhay
mo?
Ang tawag sa
uri ng argumento na dapat magtapos ang usapan sa paghahain ng SALN ay hasty
generalization, o paspasang pangkalahatan. Hindi pa tapos ang usapan, tinatapos na batay sa
iisang papel.
Ganun ba tayo kakitid
dapat mag-isip? Tatapusin ang kaso batay sa
pagbibigay ng SALN? Nakakainsulto naman, di ba?
Marami pa
tayong dapat itanong:
a. Ano ang
laman ng SALN?
b. Patas ba ang
kita ng CJ sa halaga ng kanyang mga ari-arian habang naka-upo sa puwesto?
2. APILA SA
KAPANGYARIHAN O APPEAL TO AUTHORITY o
Ang pagkakatalaga ng isang dating
Associate Justice bilang lead counsel ng depensa ay nagpapakitang sila ay may kapangyarihan
o “authority” sa kanilang hanay at lahat ng sinasabi nito ay batay sa batas. Kung
kaya’t dapat paniwalaan ang lahat ng kanyang sinasabi.
Tama ba ito?
Ang tawag sa uri ng argumentong ito ay apila sa kapangyarihan o appeal to authority.
SALIGAN O PREMISE: The associate justice is good in justice
cases.
CONCLUSION O KONGKLUSYON: Therefore, the associate justice is morally
upright in this case.
Ang argumento na ito ay nagbibigay ng
dalawang pag-iisip: una, ang associate justice ay magaling sa kanyang larangang
hustisya; at pangalawa, ang associate justice ay may kapangyarihang moral sa
kasong ito.
Ang isang tao ay maaaring mataas ang
pinag-aralan sa batas nguni’t maaaring idepensa niya ang isang criminal upang
ilayo ito sa parusang kamatayan. Kung kaya’t gagamitin niya ang lahat ng
argumento para manalo sa kaso. Ang kanyang napag-aralan ay walang kinalaman sa
kaso liban sa pag-aaplay nito para mailayo sa kamatayan ang kanyang
dinidepensa.
Kahit na nakikita ng taumbayan na may
kasalanan ang criminal, ididipensa pa rin ng mambabatas at magmumukha pa siyang
tagapagtanggol ng krimen.
Ngayon sa kaso ng impeachment napakalaking
bagay ang pagkakakuha ng isang dating associate justice bilang lead counsel. Sa
kanyang “presence” lumalabas na may bahid na ng kawalan ng katotohanan ang mga bintang
sa CJ. Bakit nga naman pagdududahan ang isang tao na may titulong “associate
justice?”
Kung ako ang nasa prosecution panel,
tatanungin ko, ano ang karapatan ng retired associate justice na tumanggap ng
pension sa gubyerno kung siya ay papasok sa kahit na anong kaso na maaaring magpapariwara
sa titulong associate justice?
Palagay ko dapat lahat ng associate
justices ay magreklamo DIN sa pagpasok ng lead counsel ng depensa sa kasong ito. Retired
na siya at hindi na dapat mabahiran pa, kung mababahiran man, ng kung anong anomalya ang kanyang
pangalan at ang pangalan ng institusyon na pinanggalingan niya.
3. ARGUMENTONG MASALITA
O ARGUMENTUM VERBOSUM – At dahil sa magaling sa batas ang Associate Justice,
nakikita at naririnig natin na marami siyang ginagamit na mga salitang legal na
hindi naman natin mawawaan lahat. Dinadaan sa
argumentum verbosum, o paramihan ng mga salitang legal sa pangangatwiran.
Nakapanlilinlang
ito.
4. ARGUMENTONG HINDI
TUMUTUGMA o Argumentong non-sequitur (maling simulang pagi-isip, maling
katapusan)
Sa kasong ito, madalas sabihin,
a. PREMISE: “Ay ang prosecution puro mga
bagito.”
b. CONCLUSION:
Dahil dito sila ay mahina sa argumento.
(Kongklusyon
na binabadya: baka hindi sila manalo kasi mas magagaling at may karanasan na
ang mga nasa depensang panel.)
Subali’t kahit
na bagito sa paglilitis ang mga nasa prosecution panel, ibig sabihin ba nito ay
walang kabuluhan ang mga ebidensiya at walang wasto o matuwid na masasabi ang
kanilang mga saksi?
Maaaring sa
mga pamamaraan ay may kakulangan sila subali’t ang tibay ng kanilang kaso laban
sa CJ ay nakasalalay sa kanilang mga ebidensiya at mga saksi.
Ngayon, paanong palulutangin ang mga ito? Yan
ang tanong, at itinatanong ng prosecution na sana ay maging liberal sa pagtanggap ng mga
ebidensiya at mga saksi na ihahanay nila.
ANG PAGTANGGAP NAMAN DAPAT AY BATAY SA
KATOTOHANAN NG MGA SINASABI NG MGA ITO.
Mga Kababayan ko, huwag tayong matakot sa
mga diskusyon na ito tungkol sa kaso. SurIin natin kung ano nga ba ang tinatawag na “legal
mind.” Paano mag-isip ang isang taga hustisya? Tama ba ang mga saligan (premises) ng kanyang kongklusyon o pagtatapos ng
argumento?
Maraming
relasyon ang nasisira dahilan sa hindi magkawawaan sa pag-uusap o pagsusulatan.
Hindi
magka-vibes. Walang konek. May mga kaso rin na nabibigyan ng anti-human rights na pagpapapasya dahilan sa maling pagtingin sa mga argumento sa kaso.
Pero siguro, ang hinihingi ng Prosecution
na liberal method, ay yun bang lumayo sa rigid rules of court sa pagdinig ng
kasong ito. Kasi sabi na nga nila, sui generis itong kasong ito, o isang
klaseng unico, “a class by itself.” Kung kaya’t maaaring magkaroon ito ng mga
rules na maaaring naaakma sa kasong nasabi.
At sa aking palagay, ang kasong ito ay
magiging precedent sa lahat ng iba pang kasong darating na pareho ang subject –
impeachment. Kung magiging maayos ang
mga kritikal na analisis, at pagpapaliwanag ng mga procedures nito. Mabuti na rin at may mga mambabatas na nakaranas ng unang impeachment at nakapagbibigay ng mga nakalap niyang leksyon doon sa kasong ito ngayon.
Mahalaga ang
papel ng media sa bahaging ito ng kaso. Sa pag-interpret nila na kaso, dapat
walang pagmamaliit, pagsasabong ng magkatunggaling partido, o pagtutuya, kundi dapat itrato natin itong isang seryosong bagay na dapat harapin ng buong giting, at
may paggalang sa lahat, may kasalanan man o wala.
No comments:
Post a Comment