Wednesday, January 18, 2012

Larawang Hustisya

Hindi masyadong uso sa atin ang eskultura ng Husticia bilang isang babae na nakapiring ang mga mata, may hawak na espada sa kanan at "scales" sa kaliwa. SA Supreme Court ang unang bubulaga sa atin ay ang mukha ni Cayetano Arellano, ang kauna-unahang Chief Justice ng bansa. Sino ba si Lady Justice? Narito ang mga nakalap ko sa pananaliksik:
Sa mga taga Ehipto, siya si Ma'at at karaniwang pinakikita na may hawak na espada na may pakpak ng ostrich sa kanyang buhok para magsimbolong katotohanan at hustisia. Ang salitang "magistrate ay galing sa Ma'at dahil naniniwala ang mga taga Ehipto na tinulungan niya si Osiris, isa pang diyosa sa pamamagitan ng pagtimbang ng mga puso ng mga patay para sa paghuhusga sa kanilang buhay. Sa mga Griyego, siya si Themis, kilalang tagapagayos ng mga kolektibang buhay ng mga tao,lalo na sa mga asembleya. Kaya ni Themis na makita ang kinabukasan, kung kaya't tinuturing siyang diyosa ng katarungang galing sa mga diyos, o divine justice. PInakikita ng mga Griyego si Themis na walang piring ang mga mata dahil kaya raw niyang makita ang kinabukasan. Wala rin siyang dalang espada dahil siya ay tinatangkilik ng lahat. Hindi niya kailangang gumamit ng dahas para magpatupad ng hustisya. Sa mga Italyanong Romano, ang kanilang imahe ng katarungan ay si Diyosa Justitia na karaniwang may hawak na espada, may "scales" at nakapiring ang mata. Tumatayo siya bilang puwersa para isipin ng mga tao ang moral na kahulugan ng kanilang mga gawain sa larangan ng katarungan. (Barbara Swatt, Reference Intern. Updated by Cheryl Nyberg.) Sa ating kultura, ang larawan ng hustisya ay kadalasang babae pero hindi talaga tungkol sa ideya ng hustisya kundi ang pagtulong niya sa pagkamit ng hustisya. Isang halimbawa rito ay ang larawan ng Inang Pilipinas, may hawak na bandila para ipakita ang ating paglaya sa kolonyalismo. Una kong nakita ang larawang ito sa piyesa sa piano na may pamagat na "Bayan Ko." Sa tabi ng Inang Pilipinas ay isang Katipunero, nakaluhod at hinahalikan ang bandila. Mayroon ding imahe ng mga babae na kasama ng mga nag-alsang katipunero tulad ng eskultura sa may Pinaglabanan, San Juan. Praktikal ang imahe ng Hustisya sa ating bansa, at hindi isang simbolo ng Katarungan mismo. Marahil, panahon na upang ikalat natin ang larawan ng Hustisya sa buong bansa.

No comments: