Noong bumisita ako sa isang Oriental medical doctor, sinabi ko na sana ay mabasa niya ang aking blog. Nung sumunod na pagbisita ko, sabi niya, bakit daw marami akong sinusulat; ibig niyang sabihin, palampasin ko ang mga bagay na sinusuri ko.
Ang hirap kasi sa mga ayaw magsuri, nabubuhay sila ng 8 to 5, kumakain ng tatlong beses at may snacks pa sa isang araw, at marahil ay nakakapag travel pa kahit saang bansang gusto nila.
Mga kababayan ko, kapag tayo ay malapit, nakikita kaagad ang mga naghihirap sa ating paligid, kinakalabit tayo para humingi ng pera; nagpupunas ng sapatos sa jeep para makahingi kahit magkano; o kaya natutulog sa tapat ng isang exhaust tube sa kanto ng Banawe at E. Rodriguez Avenue para makasagap ng hangin na malamig-lamig; o kaya nagpupunas ng salamin ng kotse pag umuulan, palagay ko mahihirapan tayong hindi magmura, o magalit, o kaya ay magsulat sa mga nangyayari sa ating bansa, hindi ba?
Yan ang kaibahan ng nakatira sa mga kanluraning bansa. Doon malawak ang middle class. Sa atin malawak ang lower class, kaya karamihan sa ating mga kababayan hindi maaaring ipikit ang mga mata sa mga nahihirapan nating kababayan.
Yun lang, isang leksyon sa kung bakit tayo may pananaw na panlipunan o social consciousness. At lalalim ang ating pananaw kung parati tayong magsusuri, magbabasa ng mga naaangkop na mga aklat o artikulo tungkol sa mga isyung mag kinalaman sa mga tao, sa komunidad, sa relihiyon, sa batas, sa daigdig at marami pang iba.
Ngayon, may isang social issue sa atin ngayon - kung dapat bang magimbestiga ang United Nations sa atin tungkol sa extra judiicial killings. Mabigat ang mga salitang EJK at dapat bigyan ito ng tamang kahulugan. Kailangan, yung mga humihingi ng katarungan sa mg a namatay, magbanggit ng pangalan, petsa ng pagkamatay, paano namatay, at kung may kaso, nasaan na ito.
Sa ngayon, puro batuhan ng labels, pero walang kinahihinatnan at pagkatapos hihingi pa ng tulong sa labas ng bansa. Kailangan i-resolve muna natin dito upang matuto rin ang ating mga kababayan na magsuri ng mabuti, hindi puro banat.
Tapos na ang panahon ng mga utak pulbura. Gawin na nating maginoong talakayan ang mga bagay-bagay. Ang pagresolba ng mga alitan sa lipunan ay nagsisimula sa malalim na pagsusuri, kung kailangang itemize, isa-isahin sige.
No comments:
Post a Comment