ANO
PA ANG MANGYAYARI?
Maikling
kuwento ni Emma S. Orozco
Nag-iisang
nagpunta sa puntod ng kanyang mga kamag-anak si Merla. Nagdala siya
ng mga kandila, isang posporo, halamang oregano, sampaguita na
paborito ng kanyang inang, at ang abaloryong bola na bagong negosyo
niya. Hindi naman siya nahirapan sa paghahanap ng puntod dahil mula
sa gate ng Norte Cementeryo ng Maynila, ay may libreng sakay si
Mayor, na talaga namang ang damdamin at isipan ay para sa mga
naghihirap. Kalimutan mo na lang ang kanyang pagiging mahilig sa
babae.
Wala
siyang maibibigay na pera sa mga taga-linis, kasi yung umuupa sa unit
niyang condo ay nagpunta sa Singapore para uma-tend ng isang
kumbension. Wala pa raw yung suweldo niya, pero kaya niyang
mangibang-bansa kung saan dolyares ang kakailanganin niyang
panggastos sa lakad duon. Hay, naku, hirap na hirap talagang maningil
si Merla sa guro na yun. Guro ha, at dapat may tinatawag na moral
ascendancy. Pero hindi yata alam ang kahulugan noon.
Kung
kaya't pinatong ni Merla ang mga kandila sa gilid ng mga nitso na
patung-patong. Sa pinakaitaas ay ang nitso ng Nanay, ang pangalawa ay
sa kapatid niyang namatay sa isang kwestionableng motorcycle accident
at ang pinakailalim ay ang sa Tatay. Matagal nang namatay si Itay,
1953 pa a Iss n 41. Dahil sa nephritis, isang sakit na dulot ng
pag-inom ng alak. Wala pang dialysis noon kung kaya't naghirap talaga
siya sa ospital. Ang bilin ng kanyang ama, alagaan daw ang Nanay.
Oo,
dahil sa bilin na yun. Tumimo sa isipan ni Merla na nakataatang sa
kanya ang pag-aalaga sa Nanay niya. Namatay si Inay sa idad na 92,
pinanganak noong 1915, samantalang si Itay naman ay 1912. Pareho
silang nagbinata at nagdalaga sa panahon ng mga Kano.
Maluwag
sa pamilya ang pagdidisiplina ni Inay, na nabyuda sa idad na 37 pero
nag-asawang muli. Masalimuot ang kanyang pangalawang pakikibaka sa
pangalawang kasal, at dumistansiya si Merla at ang mga kapatid niya
sa mag-asawa para hindi na mahirapan pang mabuti si Inay.
Pero
noong nagkakasakit na si Inay, siya ang tinatawag parati ng Tiyo niya
dahil, ewan ba, gumagaling kaagad si Inay kapag nakikita siya. Hindi
niya alam kung anong meron siya pero kapag kausap niya si Inay ay
nawawala ang sakit nito. Kahit na noong nasa ospital si Inay, dahil
sa marahil sa katandaan na rin, siya ang hinahanap parati.
Galit na
galit siya sa mga kapatid niya dahil dinala sa ospital si Inay.
Parang may higing na siya na yun na ang huling pag-alis ni Inay sa
tahanan nila, noong nadala sa ospital.
Sa
ospital, kung anu-anong mga eksaminasyon ang ginawa kay Inay. Gusto
nang umuwi ni Inay pero ayaw siyang pauwiin ng mga duktor, para bang
gustong mamatay na siya duon. At tapos, noong lalagyan ng tubo ang
kanyang lalamuna, dumating yung x-ray man at gusto siyang dalhin sa
x-ray room. “Ano ang i-e-xray?” Yung dibdib daw. Mga sampung
duktor ang pumalibot kay Inay upang ilagay ang tubo sa lalamunan
niya. Pinaalis siya kahit na ayaw niya. Pero noong bumalik siya,
dineklara na siyang patay. Wala na ang mga duktor. Pilit niyang
gustong ibalik ang buhay ni Inay, minasahe niya ng Goji juice ang
buong katawan, ang mga paa.
Ang Goji
juice ay napakagaling na herbal supplement. Galing ito sa
bulubundukin ng Nepal, sa Himalayas at preskong hangin, malinis na
tubig ang nagpapatubo ruon at kung kaya't mayaman sa minerals at
bitamina ito. Alam ni Merla na miracle juice yuon.
Tapos,
tinapat niya ang laser light na imbensyon ni Panfilo Rieta, (sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa) isang
inhinyero na nagsaliksik kung paano niyang mapalalawig ang kanyang
buhay dahil muntik na siyang pumanaw dahil sa lung cancer. At nalaman
nga niya ang laser light sa isang magasing laboratoryo sa Taiwan na
kaya raw pumasok hanggang sa cellular level ng mga organo at
binubuhay itong muli.
Itinapat
ni Merla sa dibdib ni Inay ang laser light. At may narinig siyang
pintig ng buhay.
Buhay!
Buhay si Inay, ang sigaw Merla sa mga duktor at nars sa hallway pero
walang dumating. May nagdaang janitor, “Mrs. patay na ho ang nanay
nyo.” Hindi siya makapaniwala. Sinabihan niya si Marita, “Tulungan
mo akong masahehin ang katawan ni Inay. Lagyan mo ng Goji juice.”
Mabait si Marita, ang katulong nila na nag-alaga din kay Inay.
Ito ang
ginagawa nilang dalawa hanggang sa dumating ang anak niya na
sinabihan siyang itigil na ang ginagawa niya. Napasigaw si Merla,
“Hindi, hindi, buhay pa ang Nanay. Buhay pa.” Itinaas ni Merla
ang talukap ng kanyang ina, at talagang buhay pa, tumingin sa kanya.
At nangingiti pa. Malambot pa ang katawan ng Nanay niya.
Pero
matigas ang loob ng anak ni Merla, hinihila siya palayo sa katawan ng
kanyang ina. At pagkatapos ay tinakpan ito ng puting kumot ng mga nars.
Nanlumo
si Merla. Maya-maya ay umalis na ang anak niya at pagsasabihan pa ang
ibang mga kamag-anak. Tumanaw sa bintana si Merla, parang binibilang
ang mga bituin. Naroroon na kaya si Inay. At napatingin siya sa
nakatalukbong na katawan ni Inay. Niyakap niya ito. Mainit-init pa
rin at malambot.
Nagising
si Merla sa pagmumuni-muni at nakita niyang ang kandila ng kanyang
kapatid ay malapit nang matunaw ng buo. Samantala ang mga kandila
nina Inay at Itay ay mahahaba pa. Nakakapagtaka dahil nasa itaas at
ibaba ang mga kandilang yaon samantalang nasa gitna naman ang kandila
para sa kapatid niya. Nahinuha niya, baka nasa paligid lang sila.
Kinuha
ni Merla ang kanyang plawta at tumugtog ng “Puso ni Hesus” at
“Ina ni Kristo.” Parang ang gaan-gaan ng pakiramdam ni Merla
matapos tumugtog. Sinundan niya ito ng pagdarasal sa lahat ng iba
pang mga kamg-anak na namatay: ang kanyang anak na si Eugene, isang
OFW na nakita na lamang na patay sa kanyang kama sa Singapore. Noong
madaling araw ng umaga bago siya namatay, nakatanggap si Merla ng
tawag, pero hindi niya mawari kung ano ang sinasabi, parang “Ogr,
ogr.” Ibinaba niya ang telepono sa pag-iisip na baka prank call
ito. Pero noong umaga na ay naalala niya, baka si Og yun, palayaw ni
Eugene, ang anak niya.
At
habang siya ay nakikipagdiwang ng kaarawan ng isang kasamahan niya sa
koro sa Kenny Rogers sa Diliman ay nakatanggap siya ng tawag mula sa
girlfriend nito na pumanaw na nga si Og.
Hanggang
ngayon mabigat pa rin sa dibdib ni Merla ang nangyari sa anak, at may
appointment pa nga siya sa NBI para alamin talaga kung ano'ng tunay
na nangyari kay Eugene. Pero sa pagdarasal ay gumagaan ang loob niya.
Umihip
ang hangin at papalamig na. Patay na ang kandila sa nitso ng kapatid
niya. At ang mga kandila naman ng kanyang mga magulang ay patuloy pa
ring aandap-andap.
Hindi na
hinintay ni Merla na maubos ang mga kandila. Sana ay hihintayin niya
ang sepulturera pero hindi na bumalik. Wala kasi siyang pambayad?
Pero dumating ding muli, kasama ang batang sinabihan niyang hanapin
ito.
“Manang,
sa iyo na lang itong abaloryong bola at mga aklat ko – Mahilig
Ka Ba sa Pulitika, Regalo Magazine, at Pusong Titibuk-tibok. Yan
lang ang maibibigay ko sa iyo, pasensiya ka na. Pakitanim na lang ang
mga halaman, ha, paborito ang mga yan ni Inay.” Nakatawa na si
Manang sa binigay niyang abaloryo at mga aklat. At umalis na ito agad
dahil may tawag daw sa kanya.
Masikip
ang palabas mula sa lugar ng mga nitso dahil yung ibang mga may-ari
mahilig palakihin ang kanilang espasyo. Nilalagyan ng mga upuan, ng
mga bubong at bakal na rehas palibot sa kanilang mga nitso. Galit na
galit si Merla kasi sarili lamang nila ang iniisip ng mga taong
ito.
Mabigat
na mabigat ang paglalakad niya kasi parang mas mahalaga pa ang pera
para pambayad kesa sa mga aklat na nabigay niya at sa abaloryong bola
na likha niya.
Naglakad
siya hanggang sa main avenue at naghintay ng E-jeep na libreng sakay.
Punuan ang bawat dumaan. Nakita ni Merla na mga teen-ager ang ilang
sakay. Kababata pa ng mga ito, tamad nang maglakad, samantalang siya,
isang senior citizen, ay maraming dala at hirap pang maglakad.
May
nagsabi sa kanyang sumakay na lamang nang pabalit na jeep sa halip na
padiretso sa gate ng sementeryo kasi madaling mapuno ito. Pumuwesto
tuloy si Merla sa kabila ng kalsada. Maya-maya nakita niya humahangos
si Manang, nakangiti, malaking malaking ngiti. Hindi niya dala ang
mga binigay ni Merla, pero tinulungan niyang makakuha ng sakayan.
“Salamat,
Manang, hanggang sa isang taon muli.”
“Nasaan
ang puntod ni FPJ?” ang tanong ni Merla sa drayber na itinuro naman
kung saan ito. “E yung kay Magsaysay at Quirino” “A sa bukana
ang mga yun”
Mabuti
na lang nagpunta sa sementeryo si Merla Oktubre 21, sa halip na
Nobyembre uno; kung hindi ay madadala siya ng hugos ng mga tao duon.
Nasabi na lang niya sa sarili niya, “Mabuti na ang kalagayan nila,
nananahimik na. Ako gagaod pa. Ano pa kayang mangyayari sa buhay ko?”
A, marami pa siyang isusulat, at marami pa siyang mga abaloryong
bolang gagawin.
Masquerade, Arte-Larawan ni Dave Sanchez
https://www.art.com/gallery/id--b200799/day-of-the-dead-posters.htm