Sunday, April 2, 2017

KONSERBATISMO, ANG KONSERBATIBO



Ang konserbatibo

Kapag sinabi nating konserbatibo, ang ibig sabihin ay sinauna.

Maraming mga suliranin sa ating lipunan ay dulot ng kawalan ng progresibo o isang bukas na isipan sa pagbabago.

Matagal ang pag-asenso natin dahil sa konserbatibong pananaw.

Ang mga Hapon ay umabante kaagad dahil isinulong nila ang pagkampanya laan sa pyudalismo, isang uri ng pananaw

Talakayin natin ang salitang ito.

Nung panahon ng mga Kastila sa ating bansa, dinala ng mga mananakop na pari at gubyerno Espanyol ang mga konservatibong pananaw tungkol sa kababaihan.

Pinagsuot sila ng mahahabang damit na dalawa o tatlong patong upang maitago ang kanilang mga binti na sa tingin nila ay nagdudulot ng masasamang kaisipan sa mga lalaki.

Ang edukasyon ay bawal sa mga babae, puwera na lamang ang edukasyon tungkol sa katesismo, sa pagbuburda at iba pang gawaing bahay.Iniluklok din sila bilang “ilaw ng tahanan,” ibig sabihin namamahala, gumagawa ng lahat ng gawaing bahay.

Bakit konserbatibo ang ginawa ng mga Kastila sa kababaihan? Kasi bago sila dumating, ang mga babae ay kapantay ng kalalakihan Maaari silang mamuno ng barangay, at sila ay pinunong tagadasal kapag may bagong ani, may namamatay, may pagdiriwang bayan, at marami pang iba.

Nang dumating ang mga Amerikano, binago nila ang pagturing sa kababaihan. Pinilit nilang bigyan ng edukasyon mula pagkabata hanggang sa tumuntong ng kolehiyo.

Taong 1937 nagkaroon ng karapatang bumoto ang mga babae kapantay ng mga lalaki.

Moderno na ba nuon ang kalagayan ng mga babae?

Hindi sapagka't hindi katulong ang mga lalaki sa gawaing bahay. Mga babae pa rin ang namamahala nito at sa katunayan, kung taghirap ang pamilya, ang babae ay magbibigay sa lalaking kapatid upang makapag-aral muna. Titigil siya at mamalagi sa bahay hanggang sa makatapos ang lalaki.

Sa maikling salita, may mga panahong tayo ay nalubog sa konserbatismo.

Fast forward tayo sa ngayon. May konserbatismo pa ba?

Natatanaw pa rin ang konserbatismo sa pagtingin:

1. Na ang buong lipunan ay isang malaking pamilya na may pinuno, at walang nagso-solong mga taong may sariling pananaw. Samakatuwid, kung ano ang iniisip ng pinuno, ay siyang dapat mamayani. Malapit-lapit na suportahan ng mga taong Konserbatibo ang Diktadura dahil sa ganitong pananaw.

2.  Takot ang mga Konserbatibo sa pagbabago. Sa kanila ang pagpapaunlad ng lipunan ay sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pamamayani ng pangkasalukuyang kalakaran. Kahit na may pang-aabuso ng mga tungkulin, ayaw nilang kumilos para masawata ito.

Halimbawa may isang tiwaling opisyal. Hihintayin nilang matapos ang termino nito bago palitan sa halip na palitan agad.

3. Sa larangan ng medisina, ang mga duktor na sarado sa pagtingin sa kakayahan ng mga natural at herbal na panggagamot ay isang uri ng konserbatismo. Mas gusto nilang sumandig sa nakagawiang paggagamut gamit ang mga medisinang kanluranin o kaya ay yung tinuro sa kanila ng kanilang mga paaralan na lubog sa medisinang kaalamang kanluranin. Ang mga kaalamang panggagamot ng mga indigenous groups natin ay isanasantabi

Sa eskuwelahan, ang mga guro na hindi nagbabasa ng mga bagong saliksik tungkol sa kanilang larangan at nagkakasya na lamang sa paulit-ulit na pagtuturo ng kanilang mga leksyong niluma na ng panahon ay mga konserbatibo.

Sa ating reliyon sa ngayon, ang mga konserbatibo ay ang mga nagsasalita ng ganito:


Nang tayo ay bininyagan sa pagkakapanganak ni Kristo, tayo ay bininyagan din sa kanyang kamatayan.

Bakit mali ito? Ang gusto ng nagsalita nito ay maging masokista tayo, mag-isip na tama ang tayo ay naghihirap at walang kailangang pagbabago. Kung si Kristo ay naghirap tayo pa kaya? Ito ang pahiwatig ng kanyang pananalita.

May isa pang pananalita: “Si Kristo ay naghirap, ipinako sa krus, namatay, at nabuhay muli.” Mangyayari ba yan sa ordinaryong tao, ang mamatay at mabuhay muli?

Konserbatismo ang tinuturo ng nagsasalitang ito, ang ideya ay dapat tayong maghirap na kaparis ni Kristo. At tayo ba ay mabubuhay muli? Yan ay isang malaking katanungan. Kailangang mamatay muna ang isang tao bago natin makita kung siya ay mabubuhay muli. Ang pagbabalik ni Kristo ay posible pero ang isang taong gagaya sa nangyari kay Kristo ay mahirap paniwalaan.

Sa larangan din ng reliyon, nariyan pa rin ang ideya na mga lalaki ang namumuno sa mundo. May isang banyagang pastor na nagwikang - “Let us understand man,” o Unawain natin ang lalaki. Ang babae ba ay lalaki? Hindi. Ang tawag sa pananalita niya ay “gender blind,” ibig sabihin ang lengguwahe niya ay sinauna – konserbatibo – sapagka't hindi niya kinikilala ang buhay ng mga babae. Dapat ang sabihin niya, Unawain natin ang buhay ng sangkatauhan hindi lamang ng lalaki.

Ang mga konserbatibong taga relihyon din ay may pagkiling sa pananaw na lahat ng tao ay may pagkakasala. Mahirap ang mga pananalitang ito sapagka't walang pagtatangi kung sino ang mas may malaking kasalanan at dapat parusahan. Tulad nito – ang kriminal ay tiyak na dapat parusahan. Pero ang hindi ba pangungumpisal ay pagiging makasalanan? Ang pagdarasal, hindi sa loob ng simbahan ba ay kasalanan? Samakatuwid, yung pangungusap na “Diyos ko, patawarin nyo po kami sa aming mga kasalanan,” ay parang di naaayon sa pangkasalukuyang pamumuhay natin.

Dapat ang pagdarasal ay magsasabi o dapat masundan ng pangungusap na, “Diyos ko bigyan nyo po  kami ng lakas upang mapangimbabawan namin ang pagkakasala. ” Ibig sabihin, hinihingi natin sa Diyos na huwag tayong dalhin sa lusak ng kasalanan.

Ang isa pang konserbatibong pananaw sa relihyon ay nabasa ko sa isang awit:
“I will make thine cross my crown.” Gagawin kong korona ang iyong kurus.”

Anong klaseng pananalita yan? Ang kurus ni Hesus, gagawin niyang korona? Anong klaseng korona? Mabigat yun ah, ang kurus ni Kristo ay kaylanman hindi natin dapat isuot ng korona. Ang ibig sabihin ng korona ay isang sinusuot upang parangalan ang isang tao. Yung koronang tinik na nilagay kay Kristo ay tinig ng mga makasalanan. At yun ay naiwaksi na nang siya ay mamatay sa kurus. Tapos heto ang isang kompositor na sasabihing, Ang iyong kurus ay gagawin kong korona.

Maraming mga pananaw na konserbatibo pa ang mahahalukay natin sa lipunan. Pakatandaan lamang natin na ang pagbabago ay kaylanman hindi manggagaling sa isang konserbatibo.

No comments: