Saturday, July 2, 2016

BAKIT NGA BA SIYA NANALO?

BAKIT NANALO SI DUTERTE?

Hanggang ngayon, nagtataka pa ang maraming tao kung bakit nanalo si Duterte? Bakit siya dinala ng taumbayan? Ano meron siya at nakuha niyang bigyan siya ng milyun-milyong boto?

Sabi ng Pangulo, may mga taong tumulong sa kanya. Nguni't totoo, tumulong upang kumbinsihin siyang manalo, nguni't hindi upang manalo. Iba ang tumakbo at tumakbo at manalo.

Maraming mga dahilan kung bakit siya nanalo. Unang una na, disgustado ang taumbayan sa mga ginawa ng isang pangulo na dala-dala ang pangalan ng kanyang ama at ina na tinuturing na nag-ukit ng kanilang kontribusyon sa kasaysayan ng Pilipinas. Si Ninoy ay nagpakita ng katapangan hanggang sa kahuli-hulihang hibla ng kanyang hininga upang ipaglaban ang karapatan ng taumbayan na lumaya sa diktaduryang pamamahala. Si Cory ang nagpatuloy ng laban ni Ninoy na pinatay. Nakisimpatiya ang taumbayan sa kanya at napanalunan natin ang ating pinakamimithing kalayaan at naibalik ang ating mga karapatan, lalo na ang pamamahayag at paga-asemblea sa publiko.

Subali't pagkatapos ng rehimen ni Cory, walang sumunod na maituturing na pro-people na mga gawain. Nang manalo si Erap, na tinuturing ng mamamayan na kakatawanin ang kanyang mga prinsipyo sa pelikula, ang pagtatanggol sa karapatan ng mga naghihirap, umasa ang taumbayan na magbabago na nga. Nanumpa pa siya sa Barasoain Church, na isang makasaysayang simbahan. Subali't naudlot ang kanyang rehimen. At pumalit si Gloria Macapagal-Arroyo ang bise-presidente noon. Tinawag nilang People Power 3 ang pagkakapanalo niya, na nagtanggal kay Erap subali't sa loob-loob ng taumbayan hindi sila kumbinsido dito. Tinulungan lamang si GMA ni Pangulong Ramos sa pagpapatalsik kay Erap at sa pagpapanatili ng kanyang pagkapangulo ng niyanig siya ng kanyang mga opisyales na tinawag na Hyatt Ten na sabay-sabay na nag-resign.

Nang manalo si Pnoy, dala-dala ang Hyatt Ten, laban sa manok ni Gloria, na nagdulot din ng sama ng loob dahil sa mga private partnership program tulad ng ZTE deal, at nagkaroon ng cordon sanitaire sa paligid niya, naibalik natin ang ating pag-asang magkakaroon pa rin ng pagbabago

Subali't mabigat ang loob natin sa administrasyon ni Pnoy. Maraming mga pangyayari ang hindi natin aakalaing gagawin niya. Una, namatay ang maraming mga turistang taga Hong Kong dahil lamang sa isang pulis na nag amok dahil sa tingin niya ay maling demanda sa kanya para matanggal sa kanyang puwesto. Pangalawa, napatay ang Special Action Forces 44 sa Maguindanao ng mga Muslim, matapos nilang mapatay ang kanilang guro sa paggawa ng bomba na si Marwan. Kaakibat nito, mas pinili pa niyang pumunta sa pasinaya ng isang kumpanya ng kotse sa halip na samahan ang mga byuda ng SAF 44 na sunduin sa airport ang mga labi ng mga sundalo, na kung tutuusin ay mga tauhan niya at siya ang commander-in-chief.

Pangatlo, ang mga opisyales na napili niya ay hindi nakapagdulot ng magandang larawan ng “transparency” sa kanyang rehimen. Ang pinuno ng Department of Budget and Management ay nasama sa mga ibang mga tao na gumamit ng budget sa maling pamamaraan, yung tinatawag na Program Development Acceleration Fund. May mga taong nakulong dahil dito nguni't hindi ito sapat sa mga tao upang iabsuwelto siya sa kanyang mga pagkukulang.

Pang-apat, ang pagtugon ng kanyang admiistrasyon sa mga pangangailangan ng mga nasalanta at namatayan ng mga libu-libong kababayan sa Leyte at ibang bahagi ng Kabisayaan dahil sa bagyong Yolanda ay tinuturing na malaki ang naging kakulangan, at may pagtatakip pa sa tunay na bilang ng mga namatay; at higit sa lahat, kulang sa pagtatasa kung magkano talaga ang nagasta para sa ikasasalba ng mga taga-Bisaya sa salot na tumama sa kanila.

Panlima, nakakalungkot subali't ang kabataan na mag-aaral ay hirap na hirap sa pagtatapos, hanggang sa may isang batang babae pang nagpakamatay dahil hindi maka-enrol sa UP Padre Faura dahil kulang ang pambayad ng mga magulang. Ang UP ay tinuturing na pamantasan ng masa subali't hindi nito binigyang kahulugan ang bansag na ito. Ang masama pa, dahil sa mahal na pagkain sa UP,  ang UP Church of the Risen Lord ay may pakain sa halagang P10.00 para sa mga estudyanteng mahihirap (Brackets C, D, and E) sa loob ng UP Diliman kung saan, ang mga kainan ay isinapribado at ang minimum na halaga ng isang ulam ay umaabot sa P30 hanggang P80.00. Ang katwiran ng mga kantina, mahal ang rental sa UP kaya't kailangan nilang bawiin nito. Dati-rati, ang isang tanghalian sa UP bago isinapribado ang mga kantina (at nawalan ng trabaho ang mga taong dekada ang binilang sa pagpapahusay ng pagluto ng masasarap at masustansiyang pagkain para sa mga estudyante ng UP) ay P30 hanggang P40, at kumpleto na – may kanin, dalawang ulam, saging at sabaw. Umiiyak ang isang batang babaeng estudyante na nagsalita sa harap ng tsapel ng UPCRL dahil sa kanyang malaking pasasalamat ng may makakain siya tuwing katanghalian sa UP na napakamura na, malinis at masarap pa. At yung isa naman ay nagkuwentong, kung hindi niya makain ng tanghalian yung pagkain niya ay inuuwi niya para makain niya sa gabi para may hapunan siya.

Mahalaga ang busog na tiyan para makapag-isip ng mabuti. Subali't aanhin ang kaalaman kung kumakalam ang sikmura?

Pang-anim, hindi niya pinirmahan ang pagtataas ng pensyon ng mga retirado ng SSS kung saan ang mga opisyales nito ay kumikita ng milyun-milyong salapi buwan-buwan.

Pampito, na parang panlilibak sa taumbayan, ang mga sentenariyan ay bibigyan ng P100,000.00 kung makaabot sila sa idad ng 100 taon. Malapit ka nang mamatay bago ka mabiyayaan ng pera na maganda sanang gamiting pangkain, pampabahay, pagpapatuloy ng pag-aaral kung naudlot ito, at pangliwaliw kung bata-bata pa ang tao. Siyanga pala, akala ko ay isang milyon. 

Nais kong maglista ng marami pang kapalpakan subali't gutom na ako. Kailangan ko nang mag-almusal.



No comments: