Thursday, May 5, 2016

TUNAY NA LALAKI?




  
Parang nalilito yata ang maraming babae kung anong manhood, anong pagkalalaki ang ating yayakapin na makakasama sa buhay. Ito ay dahil sa dami ng nakakalitong ideya na binibigay ng media. 

May napakamalumanay na pasok ng babae. Pinapayuhan ang anak niyang lalaki na lumapit sa ama. Paglapit ng lalaki, inalok siyang uminom ng alak, na parang sinasabi "magbonding tayong mga lalaki. Ito ang ating pag-bonding-ngan."Yuk.

Tapos may isang ad na naman, mga lalaki nag--inuman na naman. Ganun daw ang barkadahan. 

Marami pa akong mabibigay na ehemplo but what takes the cake is this: yung aktor na gumanap na Juan Luna, lumabas sa isang billboard ad, nakasuot ng uniporme ni Juan Luna, may bigote na kaparis ni Juan Luna, at pati ang ayos na buhok panlalaki na sinauna. Anong ginagawa? Nag-aalok ng alak na naman. Tapos may pangalan siya sa dibdib, pangalan niyang artista para hindi maakusahan na ginagamit si Juan Luna. Pero ito ay pagsabotahe sa imahe ni Juan Luna. Kagalang-galang na bayani si JL, at hindi nangiming humarap sa kolonyal power na Amerika, pero heto ngayon, "Pare ko, magpakalango tayo sa alak. To hell with love of country," a tacit statement of the ad. 

Dito natin nakikita na nakakalito nga ang maging lalaki sa ating bansa. 

Pati tuloy sa pagpapahalaga sa ating mga choices sa mga opisyales, nababahiran na rin ng mga  katangiang ikinakalat ng advertising world. We are in dangerous times. We are playing with fire. 

Ang kababaihan natin ay nahuhumaling sa mga pinakikitang katangian ng ilang kandidato -- nagsisinungaling, mahilig sa babae, gagamit ng baril para pumatay ng tao kahit na labag sa batas, at walang taos na pagsisisi.

Anong mga katangian ng isang lalaki na dapat nating hanapin?

Tapat, hindi basta-basta gumagamit ng baril para ipakita siyang makapangyarihan, may paggalang sa kababaihan, may paggalang sa batas at mga karapatang pantao. Hindi nagkukunwari - tulad ng mahirap daw yun pala ay sandamakmak ang kwarta at propriedad. 


Hinahamon ko ang mga lalaking nasa likod ng mga kandidatong may mga katangiang taliwas sa makaDiyos, makatao, at may paggalang sa kababaihan na itakwil na nila ang ganyang klaseng mga kandidato. Maglalahong parang bula ang anumang mga ideolohiya nila para umunlad ang ating bansa kung magpapatuloy sila sa pagkipkip sa mga taong yan. Binubulag nila ang taumbayan sa kung anong klaseng mga lider ang dapat nating itaas, suportahan at ihalal. Sa halip sheer greed for power lang ang nais nila.


No comments: