Sino ang maaaring pagkatiwalaang kandidato para maging pangulo?
Maraming lumalabas na mga propaganda na nagsasabing, itong taong ito, o ako ang nababagay, o kaya may nag-eendorso ng taong ito.
Kahit ano pa ang sabihin nila, tayo pa ring mga mamamayang Pilipino at Pilipina ang boboto, mamimili ng ating kandidato.
Sa limang kandidato, apat ang may mahahabang karanasan sa pagtakbo ng gubyerno, bilang isang senador, bilang isang bise presidente, bilang isang kalihim at bilang isang meyor. Ang panlima ay bagong salta sa gubyerno nguni't may mahabang karanasan sa Estados Unidos.
Tanong, ano ang maaaring matutunan sa pagtira sa ibang bansa? Una, ang Estados Unidos ang tinatawag nating "seat of democracy" kung saan unang nagsimula ang isang demokratikong pamahalaan. Bago siya itinatag noong 1776, mga bansang aristokratiko ang namamayani, pinamumunuan ng mga hari at reyna.
Pangalawa, para mamuhay sa Amerika, malalaman natin kung paanong ang ating gubyerno ay kopyado rin sa gubyerno nito.
Sa pagtira ko sa Nuweba York ng limang buwan noong 1991-92, kung saan ako ay naimbitahang magsalita sa isang international conference tungkol sa Women, Environment and Development, naranasan ko ang buhay sa Amerika. Dito, ang isipan ng mga tao, karamihan sa nakasalamuha ko ay sa pangkasalukuyan.
Malalim din ang usapan ng mga tao rito; mataas ang level ng diskusyon -- tungkol sa mga events, sa mga ideya. Bihira ang tsismis. At ang kakapal ng diyaryo.
Sa ganitong klaseng karanasan, mahahawa ka rin sa level ng pag-iisip nila. At ang NYC ay isang syudad kung saan nagsasama-sama ang iba't ibang lahi. Cosmopolitan, wika nga.
At nang ipag-extend ko ang visa ko, matapos ang 3 buwan, hinulog ko lang sa mailbox at matapos ang dalawang linggo, bumalik na may extension na na 6 na buwan.
Nang makapanood ako ng debate sa tv ng mga kakandidato sa Democratic Party, may telefonong binigay pagkatapos ng programa. Tinawagan ko ito kaagad at naibigay ko ang aking opinyon. Nang manood ako ulit ng programa nila, nakita kong nagamit na nila ang suhestiyon ko.
Samakatuwid, umaandar ang statement na "democratic government is for the people, by the people and for the people."
Ano pa ang hihilingin natin kung ganun din ang mangyari sa ating bansa? Hindi ba magandang mapamunuan tayo ng isang taong naniniwala na ang demokrasya, ang karapatang mag-isip, magpaliwanag, magsalita, magpunta sa Plaza Miranda at ilabas ang ating mga hinaing sa gubyerno ay tanda ng pagkakaroon ng demokrasya?
Isa pa, sa ilalim ng isang Pangulo na sa tingin niya siya lamang ang magaling at "to hell with other countries," manganganib ang kalagayan ng ating mga kababayang OFW doon. Maaari silang buweltahan sa pamamagitan ng paglimita ng kanilang paninirahan duon.
Sa ating bansa naman, ang isang pangulo na magtatayo ng isang rebolusyonaryong gubyerno ay magtatakda ng mga limitasyon -- bawal magsalita laban sa kanya, etcetera, at sino ang makapagtatakda kung hanggang kailan magkakaroon ng revolutionary government? Baka masarapan sa puwesto at gawing forever.
Ngayon, ano ang unang mawawala sa atin kapag ganyan ang nangyari? Ang ating IMAHINASYON. Ang ating pagiging mapanlikha -- sa pagsusulat, sa pagkatha ng mga tula, ng mga dula, ng mga jokes, ng libro, at marami pang iba. Pati Facebook at ibang social media ay lilimitahan ang paggamit. Masi-censor tayo.
Papatayin nito ang ating utak dahil siya lamang at ang partido niya ang mag-iisip para sa atin. Naranasan na natin yan noong panahon ng Martial Law. Babalik pa ba tayo diyan muli?
Tanong, ano ang gusto natin, Sumulong o Umurong?
No comments:
Post a Comment