Kapag sinabi nating "irrelevant" ang isang bagay, o ideya, ibig sabihin nito hindi ito nababagay sa isang statement, o isang deskripsiyon, o hindi angkop sa kung ano ang ginagawa. Ang "irrelevant" ay "hindi angkop," o "hindi nababagay" sa Pilipino.
Maraming mga ginagawa sa Impeachment Case sa Chief Justic ang wari'y "irrelevant." Bakit ganito? Simple lamang ang problema --paano siyang nagkamal ng napakaraming propriedad sa kakarampot na suweldo bilang empleyado ng gubyerno, yun ang katanungan, hindi ba?
Kaya't ngayon, kung anu-anong pera ang pinalalabas ng depensa tulad ng pinagbentahan ng lupain ng Basa-Guidote sa Legarda kung saan nakatanggap ang asawa ni CJ ng 34.7M pesos. Pero kahit na maipakitang may pera si CJ para pambili ng kung anu-anong propriedad, ang tanong pa rin, bakit ka pa nagnenegosyo ng milyun-milyon samantalang empleyado ka ng gubyerno?
indi ba dapat simple lamang ang buhay ng isang empleyado ng gubyerno? Papasok at magtatrabaho ng 8 oras at tatanggap ng suweldo dahil sa matapat na pagsisilbi sa bayan. Pero ibang klase si CJ, kasi napakarami pa pala niyang kinikita sa mga sideline niya tulad ng pagiging kasapi ng Senate Electoral Tribunal kung saan daang libo ang kanyang kinita.
Ang tanong tuloy ng Inang Bayan, bakit ganun, 8 oras lang naman kada isang araw ang trabaho ng isang empleyado ng gubyerno; bakit kailangang kumita ng ganun kalaking mga honoraria at mga allowance? Samantalang, uupo lamang, magbabasa ng mga kaso, makikipagtalakayan, magpapasya ang trabaho niya. Bakit kailangang bayaran ng daan-daang libo? Parang hindi yata tama.
Tingnan natin si Juan at Juana, nasa kalye, nagtutulak ng kariton, o kaya ay nakaupo sa sidewalk at namamalimos. O kaya ay tumutugtog ng gitara at kumakanta sa isang overpass sa may Edsa korner Ortigas at humihingi ng abuloy. Sa loob ng 8 oras, kikita siya ng napakalaki na ang isang libo siguro. At ang mga jeepney driver natin, nakukuba na sa bigat ng halaga ng mga produkto ng langis. Ang mga propesyonal, hirap na hirap na sa pataas ng pataas ng pamasahe sa mga FX vans.
Parang hindi tama, hindi ba? Irrelevant, hindi angkop ang tinatanggap o kinakamal na kuwarto ng CJ samantalang sina Juan at Juana ay walang tigil ng pagkayod para sa kakarampot na kinikita.
At nakakapgtaka pa na ang mga women judges ay nalathala sa isang dyaryo na tuwang-tuwa pa sa pakikipagkamay sa CJ. Hindi ba irrelevant yun? Hindi ba dapat ay magpakita sila ng kahinahunan at huwag magpasya na inosente siya ngayon at hintayin ang huling pagpapasya ng Impeachment Court? Sila ay sinusuwelduhan ng taumbayan, pagkatapos, tumatalkod sila sa proseso na itinakda ng Konstitusyon. Irrelevant di ba?
Itong Impeachment Case tiyak magbibigay ng napakaraming leksyon sa lahat hindi lamang sa punto ng paguusig sa isang empleyado ng gubyerno kundi sa lahat-lahat na -- ang paghawak ng pinansiya, ang paghawak ng kapangyarihan, ang pakikpag-alyado ng mga tao kung kani-kanino; at marami pang iba. Sana ay lumabas lahat ng mga ito upang sa ganuon, matuto tayong tumayo sa lupang may tunay na paninindigan.
Ang maliliit na Juan at Juana ay may karapatang magmana ng isang lipunan na binalot ng malinis na konsensiya at maayos na pamamalakad na walang nang-iisa, walang nangungurakot, walang plastikan, at walang mga "irrelevant" na gawain.
Thursday, March 22, 2012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment