Ang mga kababayan natin ay mahilig talaga sa pulitika. Hawak hawak ko yung papeles na ipase-serox para sa Comelec kung saan sinusuri ko yung resolution nila na tinatakda ang mga pangalang pinapayagan at di nila pinapayagang makatakbo sa 2010. Yung katabi kong mama na magpapa xerox din ay gustong mabasa kaagad yung sinulat ko at nais makahingi ng kopya. Sabi ko kapag na-finalize na namin ay ipapamahagi na rin namin. Hindi siya makapaghintay at hiniram yung papeles.
Sa jeep naman, pasikut-sikot ang andar ng jeep na sinasakyan ko pauwi sa amin. Sabi ko sa tsuper, mama, baka tumalsik ako sa upuan ko at hindi na ako maboto ng mga kababayan natin. A talaga, tanong kaagad niya. At sa maraming mga panig ng MetroManila, bawa't kausap ko talaga ay mahilig, pati na yung padyak driver at vendor. Sino raw ba ang mananalo sa 2010.
Pagkatapos ng 2000, ang mga kababayan natin ay parang napaso at ni ayaw pag-usapan ang pulitika. Pero nung 2004 at lumaban si FPJ para sa pagkapangulo, at puro batikos ang tinanggap niya, marami ang naging interesado. Ewan ko kung dahil sa parang sabong ang nangyari. Tapos nung natalo siya at namatay, o pinatay, di natin matiyak, nanlumo na naman ang taumbayan. Nung 2007 naman, nabuhay na naman ang taumbayan, kasi Sen. Trillanes, nakakulong, isang sundalong nag-aklas ay pinayagang makatakbo. Exciting na naman ang pulitika. At nanalo siya. Pero ngayong 2010 elections, iba ang interes ng taumbayan. Nais nilang pag-aralan ang takbo ng eleksyon. Pinag-uusapan kung paanong di madadaya. Pinag-uusapan hindi na kung sino ang sa tingin nila ay mananalo, kung hindi nagtatapos ang tanong sa "sino ang iboboto ninyo? Bakit? Bakit hindi si ganun?"
Samakatuwid, mataas na ang kamalayan ng taumbayan sa ating pulitika. Nagsusuri, at may paggalang sa opinyon ng iba kung sino ang iboboto.
Pulitika ay nasa puso - alam na natin na ito ang paraan para magkaroon ng pagbabago sa lipunan. Pulitika sa isip -- alam natin na dapat pag-aralang mabuti, lalo na dahil automated elections -- kung paanong magiging sagradong tuluy-tuloy ang balota; at pulitika sa damdamin --alam natin na ang resulta ng pulitika ay para sa ating nakararaming kababayan, na tunay na nangangailangan ng pagkalinga.
Meron pa kayang maglalakas-loob na bumili ng boto sa 2010? Abangan.
Tuesday, December 22, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment