Thursday, August 6, 2009
KARAPATDAPAT
Nakita ko kung paanong hinatid ng taumbayan si Cory sa kanyang huling hantungan. Nakakaluha ang mga larawan nila. Para bang tunay nilang kamag-anak si Cory, hindi isang pulitiko, hindi isang opisyal, hindi isang namuno, kundi isang kasama sa buhay na nagtampisaw sa larangan ng pulitika at nakapagturo ng kung ano ang tamang daan sa ating pamahalaan, o kung ano ang dapat tahakin nito.
Bihira ang magkaroon ng tunay na "hero or heroine" at hindi ko gagamitin ang ating sariling salita dahil baka maisip nung isang tao na itinutulak ko ang kanyang pagkakandidato. Naman, naman, naman. Sa ating bansa kasi marami ang allergic sa mga nagpapaka hero or heroine, lalo na kung babanggain mo ng diretso yung mga korap. Allergic sila kasi yung mga tinatawag na tumulong, tumulong ha, sa pagpapanalo ng People Power, pwera si Cory, ay nasa kabilang bakod na. Yung dalawang myembro ng kabinete ni Cory nagsipuntahan na sa mga korap, sa totoo lang, palipat-lipat. At kung magsalita sa radyo akala mo ay napaka -"erudite" na gumagamit ng mga analytical tools sa pagkomentaryo sa nangyayari sa ating bansa. Allergic din ang taumbayan sa mga nagpi-people power kasi nagamit yung paraan na ito para maluklok ang mga korap pala.
Kung kaya't sa pagsama, pagmartsa, at pagpupumilit ng taumbayan na makasama sa funeral parade ni Cory, pinakita nila kung sino ang karapatdapat na maluklok at mabigyan ng monumento sa kasaysayan ng People Power, sino ang tunay na nagmahal ng taumbayan, at sino ang walang pag-iimbot ng nagsilbi sa bayan.
Maaaring may pagkukulang sa administrasyon ni Cory. Paano kasi, nakapagpatayo si Marcos ng isang napaka intricate na gubyerno -- lehislatura, ehekutibo at judiciary -- na lahat ay nagsisilbi sa kanyang pansariling interes. Paano ba namang malalansag yun sa loob ng 6 na taon? Ang public administration ay isang 4 na taong kurso o higit pa sa UP, at sa AIM din at iba't ibang institusyon sa Pilipinas. Pagkatapos, kakaunti pa ang mga mapagkakatiwalaan para maging kandidato sa pagkapangulo nuong 1986. Lahat halos ng magagaling ay nabili, nangangayupapa at lumuluhod kay Marcos. Si Cory lang ang tunay na kandidata na puwedeng pagkatiwalaan -- unang-una na, ang kanyang pinakamamahal sa buhay ay napatay. So, walang bale sa kanya kung sumunod siya. Kaya buong tapang na hinarap niya ang malaking kalbaryo ng pagdadala, pagbibitbit, at pagtutulak kung ano ang dapat na maging tamang pamamahala sa ating bayan.
Sa ngayon, kahit nahaharap tayo sa mga korap, alam na natin kung ano ang korap, kung anong klaseng mga kandidato dapat ang dapat na maiangat sa kamalayan ng taumbayan, ang dapat na mahalal- isang taong may malasakit, unang-una na. Isang taong hindi bibitbitin ang kanyang pamilya upang magkontrol ng pusisyon -- kung saan ang asawa at mga anak, at mga pamangkin ang kanyang isusunod. No, wala ng ganyang klaseng kandidato. Dapat ay yung marunong umunawa na ang "public office is a public trust." At lahat ay may karapatang mamuno at bigyan ng tsansang mamuno; at kung namumuno na, bigyan ang taumbayan hindi ang kamag-anak ng mga karapatang ito.
Meron ba tayong kandidatong ganito ngayon? Hanapin, dali, at baka umandar ang tren.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment