Saturday, September 15, 2018

Pananaw ni PIRANDELLO sa Dulang Anim na Tauhang Naghahanap ng Manunulat



Bakit tayo nanonood ng teatro, ng dula? Para masiyahan, para makalimutan ang ating paligid at malagay sa kakaibang buhay ng ibang tao, para makapagsulat ng review ng dula  para sa klase? Maraming dahilan nguni't may isang dula akong pinanood na sa tingin ko ay papa-iisipin kayong mabuti. 

Napanood ko sa UP ang Anim na Tauhang Naghahanap ng Awtor, na sinulat ni Luigi Pirandello noon 1921. Ang anim na tauhan, isang ama, ang asawa niya, tatlong anak at isang anak na babae na prostityut. 

Taong 1921. Katatapos lamang noon ng Unang Pandaigdigang Giyera na nangyari mula 28 July 1914 to 11 November 1918 sa Europa. Malaking sigalot noon na marahil ay nakaapekto sa pananaw ni Pirandello sa buhay na kanyang nailarawan sa kanyang dula. 

Ano ba ang pananaw ni Pirandello? Ilusyon ba o katotohanan ang buhay? Ang nangyayari ba sa buhay natin ay mapaniniwalaan nating totoo o kathang isip lamang?

Sa dula, yung 6 na tao ay isinadula ang kanilang buhay na pinanood naman ng tropa ng dula sa teatro upang maipalabas sa teatro. Subali't mayroon silang di pagkakaunawaan  dahil iba ang pananaw ng mga taga teatro. 

Dito na pumasok ang tanong: kailangan bang tunay na tunay ayon sa buhay ang ilalahad sa dula? Ano ang karapatan ng isang manunulat na baguhin ang takbo ng isang dulang batay sa tunay na pangyayari?

Masalimuot ang dula subali't masasalamin dito kung paanong ang buhay noong panahong yaon ay nakasira ng pananaw ng mga tao. Ang direktor ng entablado na isang diktador sa kanyang mga artista ay tinitingala. Ang prostityut na maganda ang tinig ay kabahagi ng lipunan na para bang isang regular at normal na kasapi kahit na may imoralidad ang kanyang trabaho. Sa dula ni Pirandello ay nakipagtalik pa ang prostityut sa sariling ama niya na hindi raw niya alam subali't maaaring nagsisinungaling din siya. Ang ama ay tinalikuran ang kanyang kasal at nakiapid sa iba. Ang asawa niya ay nakiapid naman sa ibang lalaki at nagkaanak pa dito. Sa huli, nagpakamatay ang isang anak -- suicide -- at ang bunsong babae naman ay nalunod sa "fountain". 

Madilim ang mga buhay na nailarawan ni Pirandello. Ang tanong: tama ba si Pirandello na maglahad ng kanyang pag-aalinlangan sa buhay? 

Hindi natin masasabing tama siya sapagka't siya ay isa sa mga taong nabuhay noong panahong nagkagiyera at marahil ito nga ang epekto ng giyera -- ang sirain ang ating paniniwalang ang buhay ay maaari pang pagandahin. Samakatuwid, sinisira ni Pirandello ang ating pagiging optimistiko sa buhay at sa halip ay parang nais niyang sabihin na madilim talaga ang buhay. 

Tayo sa Pilipinas hindi naman ganyan siguro mag-isip kung saan ay nawawalan tayo ng pag-asa sapagka't kahit papaano ay bumabangon tayong maaliwalas ang pagtanaw sa buhay. 

Kahit na naghirap tayo ng 14 taon sa ilalim ng isang diktador, hindi pa rin tayo nawawalan ng pag-asang iigi ang buhay natin. Yun nga lang, ang iba ay napipilitang lumabas ng bansa upang makatikim kahit na kaunting kaginahawahan para sa pamilya. 

Palabas ngayon ang dulang ito sa UP Wilfrido Ma. Guerrero Theatre.Maganda ang pagkakasadula, na dinirek ni Tony Mabesa. Magandang panoorin upang makita natin ang pag-iisip ni Pirandello. 

Tuwing Biyernes, Sabado at Linggo. UP Trunkline 02 9818500; 9261349

No comments: