Wednesday, January 3, 2018

INANG KALIKASAN: Kasama sa pagpapalit ng taon


Napakaginaw, wari'y 12 degrees centigrade sa Antipolo. Nagising ako sa huni ng mga ibon. At pagbukas ko ng pinto ng bahay na sinilungan ko, ang bumungad sa akin ay pitong pato na naghihintay mabiyayaan ng mais.


Nagdiwang ako ng pagpapalit ng taon sa isa sa mga bundok ng Antipolo at kaysarap ng pakiramdam. Walang agam-agam. Nawala lahat ng tension. At ang pinakamaganda sa lahat ay preskong hangin, mga simoy ng hangin na dala ay bagong putol na mga damo.


Mga kasama ko ay isang pamilya na matagal nang naninirahan duon na naghanda pa ng sangkatutak na pagkain -- fruit salad, kinilaw na kambing, gulaman, buko, at mga prutas na hango sa paligid -- chico, saging na saba.


Simple ang handa. Simple ang pamumuhay, bagamat salat sa cash, Mayaman naman sa mayabong at malusog na kalikasan. May problema ba? Tubig, galing sa balon; kuryente? Galing sa araw. Gutom -- mga prutas.


Sana si Inang Kalikasan ay mapangalagaan natin upang maibalik natin ang ating masayang pamumuhay na madalas na dinudurog ng mga isyung hindi na natin dapat pang maranasan matapos ang Kilusang Sambayanang Kapangyarihan o People Power Movement na nilunsad natin noong 1986.     


Parang ayaw ko nang bumaba pa ng Maynila. Maraming Salamat, Amelia, Inggo, Bebang, Arnel at Irene, Tiray at Paul, Bekbek at Juan na tinulungan akong umakyat at bumaba ng bundok, Imboy, Balong, mga apo -- Ayesha, Adrian, Alexis, at sa lahat na hindi ko mabanggit, Nawa'y maging maganda ang pagpasok ng Bagong Taon.


Mga Kababayan, Mabuhay ang ating Bansa, Mabuhay ang Sambayanan at mga tapat na Pinuno ng pamahalaan.  Huwag tayong makakalimot magdasal ng taimtim na manatiling tahimik at payapa ang ating bansa at magkaroon ng busilak na paniniwala ang lahat ng ating kapwa, sa loob at labas ng ating bansa.



No comments: