Tuesday, September 12, 2017

ON CONFRONTING HISTORY Part III

  1. Maraming kakampi nina Marcos ay hindi nagbago ng pananaw tungkol sa ginawang pagkitil ng kalayaan ng ating mamamayan. Higit na pinapahalagahan nila ang mga edifisyong itinayo ni Marcos, at hindi ang epekto ng kanyang mapaniil na pamumuno sa mga pag-iisip at pagkilos ng taumbayan.
  2. Nagkaroon ng paghahati-hati, “A yan ay dilawan,”  o kaya “A yan ay loyalista,” kung kaya't walang nagkakaisang pagtanaw sa People Power Movement.
  3. Ang mga nagpapanalo ng People Power ay kumita sa ilalim ng pamumuno ni Cory, at ng mga sumunod na rehimen. Ito ay isang pagpapabalewala ng tinatawag na pagkakaroon ng tunay at makabagong kapangyarihan ng sambayanan o People Power.
hourglass

Bagong Dispensasyon
Ang pagkakapanalo ni Pangulong Duterte sa eleksyon, bagaman malapit siya sa pamilyang Marcos ay isang nakakagulat na tunay na kahulugan ng People Power. Ang taumbayan, 16 milyones ay pinili siya, bagama't ang kanyang mga pronouncements, mga pagpapahayag ay nagpapakita noong kampanya ng kanyang pagkiling sa mala-diktaduryang pamamahala.

Ang pagpayag niya na mailibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani ay isang malaking pagbabago sa ating kasaysayan sa kung ano ang ating depinisyon ng isang bayani.

Ang pagdeklara din niya ng special holiday sa Ilocos para sa ika 100 taon na idad ni Marcos, ay tuwirang pagkiling niya sa pamilya, at pagkalusaw ng ating ideya kung ano ang People Power. Hinati niya ang ibig sabihin nito: na ang mga tao sa Ilocos ay maaaring magkaroon ng sarili nila ng People Power at ideklara ang isang diktador na bayani at dapat bigyan ng pagpupugay. Samakatuwid walang pakikiisa ang mga taga Ilocos sa mga nangyari sa ating buong Sambayanan na iba't iba na karamihan ay nagkaroon ng masamang karanasan noong panahon ng martial law.

Anong uri ng kasaysayan ng Sambayanan ang maaari nating maisulat ngayon?

MAKAHULUGANG PEOPLE POWER

Hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa na mabibigyan nating ng genuine meaning ang People Power.

Unang-una na, ang ating edukasyon, ang mga aklat para sa kabataan, ang mga guro ay dapat matimo sa kanilang isipan na ang pagsaklaw ng mga kalayaan natin, ay hindi dapat mabago. Kailangang idikta natin na ituro ang Universal Declaration of Human Rights mula kinder hanggang Kolehiyo.

Pangalawa.  magkaroon tayo ng pagsusulat ng mga karanasan ng taumbayan sa bawat probinsiya, bawat barangay sa kung ano ang tunay na nagyari sa kanila noong panahon ng martial law.

Sa aming barangay, ang mga nagtatanim ng kangkong sa mga sapa ay nabigyan ng pabahay na libre ni Marcos sa Tatalon. Kayan diyan ay malalaman ninyong may mga nakatira duon na pag-aari nila ang mga lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay may titulo silang maipapakita.

Pati ang pananaw ng mga loyalista ay dapat na mailista upang maipakita nila ang pamumuno ni Marcos.

Kapag naihinga nila ang kanilang mga karanasan kailangang sundan natin yun ng pagpapaliwanag na ang bawa't tao ay may karapatang mabuhay na maalwan, at hindi lamang isa o isang pamilya ang dapat na biniyayaan ni Marcos. Ipaliwanang ang UN Declaration of Human Rights sa kanila.

Pangatlo, ang mga NGOs ay dapat na maglabas ng mga pamantayan sa kung ano ang tunay na demokratikong pamumuno, ano ang epekto nito sa indibidwal at sa mga komunidad, sa mas malaking lipunan.

Ang mga pribadong NGOs tulad ng Rotary Clubs, Lions International, YMCA at YWCA na halaw sa mga organisasyong Amerikano ay hindi dapat mangiming ituro ang kahulugan ng People Power, at magkaroon sila ng patakaran na magpapaangat nito sa isipan ng bawat kasapi.
 
Ang mga NGOs na nabuhay pagkatapos ng 1986 ay puno ng pag-asa subali't dapat ituon nila ang pananaw sa pagpapaigi ng pangkabuhayan ng Sambayanan lalo na sa paglansag ng mga batas na nagpapahirap tulad ng EPIRA law.

Pang-apat, magkaroon tayo ng pag-aaral at pagpapakalat ng mga karanasan ng mga matagumpay na demokratikong bansa.

Panlima, ang pagkakapanalo ni Cory sa eleksyon noong 1986 at pagbuhos ng suporta para siya ang maluklok ay hindi mangyayari kung walang partisipasyon ang mga feminista o mga babaeng naniniwala sa kilusang mapagpalaya para sa kababaihan. Marami ang nagmamaliit dito subali't sila ay nagkakamali. Si Cory ay hindi tatakbo kung walang suporta ng kababaihan lalo na't balo na siya. Kailangan niya ng mas malakas na sandalan para pangunahan ang kampanya. Sinu-sino ang mga pumaligid sa kanya? Unang una na diyan si Justice Cecilia Munoz-Palma at ang iba't ibang asosasyon ng mga kababaihan.

Mahalagang makilala ang naging tinig ng kababaihan ng mga panahon noon at hanggang sa pangkasalukuyan, sa katunayan.

Panganim, magkaroon tayo ng pag-aaral ng kasaysayan ng ibang bansa, at ituon natin ang mga leksyon sa kung paano nilang napapanalo ang demokrasya at kung an-ano ang mga tinatamasang karapatan para matawag na malaya ang mga bansa.

Pampito, igiit natin na sa lahat ng antas ng Edukasyon ituro ang pangatlong wika, hindi lamang Ingles at Pilipino ang dapat natututunan. Ang pagkakaroon ng pangatlong wika ay isang pagbubukas ng isipan ng kabataan sa buhay sa ibang bansa, hindi para magtrabaho duon kung di para mapuri natin ang mga pagkakataong naibibigay sa mga mamamayan nila.

Pangwalo, bigyan ng mataas ng budget ang National Historical Commission upang mapanatili  at mapangalagaan ang mga gusali na magpapakitang siyang mga mata ng mga kasaysayang nangyari sa ating bansa. Pati mga puno na sandaan na ang taon ay dapat na inaalagaan pa rin.

Pangsiyam, bigyan natin ng espesyal na budget ang Departamento ng Edukasyon para isulat ang kasaysayan, at bigyan ng emfasis ang hindi matuwid na pamumuno, lalo na ang pagkitil sa mga karapatang pantao.

Pangsampu, magkaroon ng mga signboards na maglalaman ng idad sa pagtatayo ng bawat gusali katabi ng kanilang pangalan upang mabasa ng mga nagdaraan. Ang pagbasa ng taon ay isang b­atayang kaalaman sa kasaysayan.

Panglabing-isa, Maganda ang ginagawang pamamahagi ng pera para sa mga taong umabot na sa sandaang taon. Ang kanilang pananaw tungkol sa kasaysayan ay dapat isusulat din ng barangay, ibigay sa bawa't ka-barangay, at ikalat sa media.

Panlabindalawa, Magkaroon tayo ng plakard sa tabi ng matatandang puno para maging mapagkalinga ng katandaan ang kabataan.

Panlabintatlo, magkaroon tayo ng mga signboards sa kalye kung saan makatatawid ang mga nakatatanda at kung saan sila makakasakay kaagad. Patawan ng parusa ang mga drayber na hindi magsasakay sa kanila. Ang mga nakatatanda ang tahimik o hindi tahimik na susi sa paglalarawan ng nakaraan. 

Panlabing-apat. Bawa't tisis o disertasyon ay dapat may historical reference. Hindi puwedeng survey, o testing kaagad. Kailangan ipakita ang kahalagahan nito sa kasaysayan para magkaroon ng aktitud at perspektibang historical ang kabataan. 

Panlabinlima, magkaroon ng nakatuong paglalansag ng labor migration. Ito ang nagiging dahilan ng pagkakawatak-watak ng pamilya, pagkasira ng kasal, at pagsasama ng mga tao. Mayaman ang ating bansa at maaari tayong kumuha ng tulong sa ibang mga bansa upang mapagyaman ang ating mga likas na yaman sa ilalim g “soft loans.”

Dapat ay nagamit ni Cory ang mga benepisyo ng pagpapausbong natin ng People Power upang makakuha ng mga loans. Subali't sa halip ay pinagpatuloy pa niya ang pagbabayad sa mga panlabas na utang na hindi naman nakinabang ang taumbayan.

Ngayon, mahihingi na natin ang tunay na pangungutang, para sa taumbayan, mga dapat makinabang sa ating pinaglabang People Power, sa ilalim ng taos-pusong pakikiusap.

WE are Historical Beings. Hindi tayo nabubuhay sa nakaraan lamang, hindi rin sa pangkasalukuyan lamang, kundi para sa nakaraan, pangkasalukuyan at panghinaharap. Kailangang maitimo natin sa ating kabataan na mahalaga ang isang malawak ng pananaw sa panahon upang maging buo ang ating katauhan.

Ang mga durugista ay nabubuhay lamang sa pangkasalukuyan kung ano ang magbibigay sa kanila ng kasiyahan. Hindi nila alintana ang hinaharap.

Malulutas lamang ang problema sa droga kung ititigil na ang labor migration na nagpapahina ng damdamin ng mga batang nalululong sa droga. Lumalakas sila kung nagtutulak subali't hindi na nila mapatid ito. Kaya't ang magpapalakas lamang sa kanila ay suporta ng isang matatag na pamilya. 

Ang pag-aaral ng kasaysayan ay isang panghabambuhay na gawain, hindi lamang sa loob kundi kahit na sa labas ng tahanan. Nasa pag-aaral na ito lilitaw ang iba't ibang uri ng pagkilos ng isang tao, ng mga tao, ng mga komunidad, ng mga bansa. Makikita natin dito ang kahalagahan ng buhay. 

Ang taong buhay ay parating naghuhubog ng kasaysayan. At bawa't tao ay makarapatan dito. Ang patay ay wala ng kasaysayang mahuhubog o maisusulat pa. 

Mahalaga ang kasaysayan sa ating buhay. Pinalalakas nito ang ating paggagap ng buhay. Hindi tayo alipin ng materyalistikong mga bagay kapag ganito. Hindi tayo magiging mahiligin sa mga panandaliang paggamit ng mga gadgets na walang dinadala kundi sakit ng mga mata at ulo sa sobrang gamit. Hindi rin mapapabarkada agad-agad ang kabataan kapag alam nila ang kahihinatnan ng gagawin nila sa kinabukasan.

Ang buhay ng bawa't tao ay isang kasaysayan. Kapag patay na, tapos na ang kasaysayang maaari niyang hubugin. Kung kaya't habang buhay pa, pasulatin natin ang kabataan ng talambuhay na siyang magiging dokumento naman ng mga susunod na henerasyon kung paano tayong nabuhay sa panahong ito.

Kailan pa dapat turuan ang kabataan ng kasaysayan kundi ngayon na.

Ang pagharap sa kasaysayan ay isang pagkilala na ang buhay ay kumikilos, hindi static, hindi baog, kundi mayabong. Pagkilala rin ito na ang sangkatauhan ay mapanlikha at hindi robot, may isip, damdamin, at kalayaang kumilos.





https://www.pinterest.com/pin/576320083536386033/


No comments: