Ano kamo? Dapat iba ang pagtingin namin sa ama mo at sa iyo, na anak na lalaki? Sigurado ba kami na hindi mo gagayahin ang ginawa niya sa aming bansa?
Ano kanyo? Mas maraming natamong pagbabago sa ilalim ni Macoy, kesa sa mga sumunod na rehimen? At kung hindi siya nagpakita ng mga bonggang gusali sa mga nagpapautang, papansinin ba siya? At anong mga naging kabayaran ng kanyang pamumuno? Hindi ba ang pagkakakulong at pagkakapatay ng mga lumaban sa kanyang mapaniil na rehimen? Bakit hindi mo makita yun?
At kung hindi naging maganda ang "achievements" ng mga sumunod na rehimen, hindi ba dahil may kakulangan sa kanilang pagkaalam kung ano ang maging opisyal ng bansa at walang kinalaman sa kung mas mababa ang natamo nila kaysa kay Macoy?
Ano kamo? Tanggapin ang suhol ng mga kandidato? Ang baba naman ng pagtingin mo sa mga kababayan natin -- ganun ba, mukhang pera ang tingin mo, sa halip na mamuno ka para tumaas ang kanilang pagtingin sa sarili nila at ang kanilang moralidad ay maging busilak, tinuruan mo pang tumanggap ng suhol?
Baka hindi mo alam, ang mga Pilipino ay malakas ang guilt complex. Kapag tumanggap ng tulong sa iba, kahit hindi kagalang-galang ang tao, ay nagbabago ang paninindigan. Puwede ba, baguhin mo ang pitch mo?
Ano kamo? Si Marwan ay pinatay ng aide niya? Bakit gusto nyong hugasan ang mga kamay ng mga namuno sa SAF 44 na hindi napadalhan ng tulong sa panahong kailangang-kailangan nila ng ayuda? Kapag aide nga naman ang pumatay, aba malinis na malinis na ang mga manhid na walang awang di man lamang tumulong sa mga pulis na kanilang pinamumunuan. Nasaan ang sinabi ni Hesus - Love your neighbor as yourself? Hanggang sa pasimba-simba na lang ba tayo?
Ano kamo, may naiambag ka sa iyong pag-upo sa senado? Ano yun? Pakiulit nga. Parang nabibingi ako. Yung E-vat, ambag ba yun? Ambag sa listahan ng mga batas na nagpapahirap ngayon sa mamamayan.
Ano kamo? Dinidefensa mo ang tulong ng UN sa financing para sa cash transfer program? Hindi ba mukha tayong pulubi niyan? At tuwing uutang, magkano ang interest na pagbabayan? Ilang bilyong piso ang lalabas para mabayaran ang utang? Umaaray na ang mga tao pero parang wala kayong nararamdaman. Ano ang magpapaantig ng damdamin nyo para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino? Ano? Ano?
No comments:
Post a Comment