Bakit
tayo dapat matakot sa kawalan ng pagpigil sa pagkakaroon ng
baril/armalayt at anumang pamatay-tao dito sa mundo?
Ang ating bansa
ay nahaharap sa malaking pagsubok lalo na sapagka't lulong sa droga
ang maraming probinsiya mula Luzon hanggang sa Mindanao at Sulu.
Hindi lamang sa larangan ng droga; may gumagamit pa ng mararahas na
armas -- ang mga Abu Sayaff at lahat ng mga grupong
naniniwalang sa pamamagitan lamang ng marahas na pagsakop ng
kapangyarihan maaaring magkakaroon ng matagumpay na pagkilos.
Saan
nanggaling ang mga armas? Wala naman tayong pabrika liban sa gumagawa
lamang ng paltik dito sa ating bansa. Karamihan ay galing sa mga
banyagang bansa.
At
ang nakakalungkot, kahit na ang mga mapayapang pamamaraan, ang mga
ligal na hakbang ay di nabibigyan ng kahalagahan ng pagkakaroon ng
mapayapang pamamaraan sa pagresolve ng mga di pagkakasundu-sundu,
kung sa personal man o sa sosyal na levels mismo sa mga bansang ito.
Ang
pinakagrabe pa, sa Amerika, kung saan, dito nagsimula ang
demokratikong gubyerno, ay nagkaroon ng pagkatalo ang pagkakaroon ng
mas mahigpit at masusing pagsusuri sa katauhan ng mga nagnanais
bumili o magkaroon ng mga baril at ibang mapamuksang gamit.
Mga
duktor na rin ang nagsasabing na puwera sa mga awtoridad na binigyan
ng permisong gumamit ng baril at iba pang armas, ang pagiging marahas
at paggamit ng baril ay nagpapakita ng isang taong may problema sa
buhay.
Sa Amerika, hindi na mapayapa ang lipunan. Sa eskuwela, sa
sinehan, sa disco bar, at hindi lamang sa mga kalye, may pagbabanta
sa buhay ng mga tao na gawain ng mga taong tiyak na may problema sa
buhay.
Paanong
makakapag-aral ang kabataan sa eskuwela; paanong magiging maligaya
ang mga pamilya; o kaya paanong magpapaligaya sa panonood ng sine o
pumasyal sa bar ang mga tao kung walang kaabug-abog ay mayroong
darating at gagamit ng mararahas na pamamaraan para sila ay patayin
ng walang dahilan? At kahit na may dahilan mali pa rin dahil may
ligal na pamamaraan para malutas ang mga suliranin.
Sa
ating bansa, may mga pamamaraan ang ating mga katutubo sa pagresolba
ng mga alitan, at dito lahat ng mga nakatatanda ay kasali; at sa mga
problemang tribo laban sa tribo, nag-uusap ang mga lider nila upang
malutas ito at matigil o hindi humantong sa pagpatay ng tao.
Subali't
itong pamamaraan na ito ay tinuturing na uniko, at para bang hindi
katanggap-tanggap sa “sibilisadong” lipunan daw. Kung
tutuusin ay napakamakatao nitong pamamaraan na ito. Sa katunayan sa
tinatawag na “sibilisadong lipunan” mabusisi pa ang pamamaraan na
ginagamit para maglutas ng kawalan na kapayapaan.
May
isang imbentor akong nakausap, imbentor ng bala. Ang sabi niya, ang
naimbento niya ay balang iikot sa katawan ng tao at ito ay mamamatay
kaagad. Parang umikot din ang aking tiyan sa pagbanggit niya sapagka't
iba ang aking paniniwala – na dapat ay tahakin natin ang daan kung
saan hindi na gagamit kaylanpaman ng baril o anumang pamuksa ang
sangkatauhan. (Sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa.)
Kung
susuriin ang baril, para lamang itong laruan subali't napakalakas ng
epekto sa katawan ng tao. Ewan ko kung bakit naimbento pa ang baril.
Saan ba ito nagmula?
Ayon sa mga kasaysayan sinulat ng mga eksperto, galing daw ang baril sa Tsina. (Kaya pala warrior-minded ang Tsina tungkol sa Scarborough Shoal, sa West Philippine Seas.)
Ayon din sa mga ibang nasulat, may sakit daw sa pag-iisip ang mga pumapatay ng mga tao ng walang habas kahit na mga inosente ito o yung tinatawag na mga mass shootings.
Sa anggulong ito dapat din nating tingnan ang pagkakaroon ng grupong Abu Sayyaf na walang pagsisisi sa pagpugot ng mga kinikidnap nilang mga tao. Ang mga kasapi nito ay may di nakikitang pagkahaling sa pagkakamatay mismo o suicidal tendencies. Kaya sa paghawak nila ng baril o malakas na pamuksa, nagkakaroon sila ng lakas ng loob. Nguni't "do or die" ang naging polisiya nila.
Sayang. Palagay ko dapat magkaroon ng psychiatric tests ang mga myembro ng grupong ito na mahuhuli. Lahat ng mga duktor ng ospital ay kinakailangang magsama-sama upang matingnan ang kalagayan ng pag-iisip nila. Madaling sabihin na kahirapan ang dahilan kaya sila sumasapi; ngunit sobra pa run. Ang kahirapan ay maaaring igpawan sa maraming paraan; ngunit ang pumatay ng mga inosente ay ibang klase ng pag-iisip.
At dapat din nating tanungin, ano ang kalagayan ng komunidad, ang uri ng pagpapalaki ng mga kabataang lalaki, at ang kalagayan ng kababaihan sa kanila upang makita natin ang mga relasyon na hindi nagpapausbong ng makataong at higit sa lahat, tunay na makaDiyos na pananaw sa sangkatauhan.
Panahon na para palalimin natin ang pagtingin sa problema ng Abu Sayyaf at lahat ng mga grupong humahawak ng baril na nagdudulot ng pagkabalisa, takot at matinding kalungkutan o depression sa karamihan.
Higit sa lahat, sa halip na baril, ang kabataan ay dapat turuang humawak ng pluma, brush para magpinta, lapis para mag-drowing, at video cameras para makalikha ng makasining na mga larawan hindi ng mga pugot na ulo.
Ang larawan sa taas ay isang mural sa isang kuweba sa Indonesia na sa panahon ay kasabay ng mga dinodrowing ng mga tao sa Europa. Ang painting ng isang baboydamo, babirusa, ay nadiskubre sa kuweba sa Indonesa at may idad na 35,400. Basahin ang Ingles na caption sa ibaba.
(The new research suggests that humans were painting murals on the ceilings and walls of their caves in Indonesia at the same time as people in Europe. Only remnants of such artwork remain. This painting of fruit-eating pig-deer, known as a babirusa, was discovered in an Indonesian cave and dates back around 35,400 years ago. CREDIT: Screengrab, Nature Video.)